Nakalulungkot isipin na napaniwala ng mga opisyal ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Incorporated sa pangu­nguna ni president Pedro ‘Peter’ Cayco ang mga volleyball player mula sa iba’t ibang liga at sa mga kapuluan ng bansa.

Ang tinutukoy ko po ay ang mga nagbuhat sa Philippine Super Liga, Premier Volleyball League, National Collegiate Athletic Association, University Athletic Association of the Philippines, iba pang liga at sa mga lalawigan.

Inihayag bago matapos ang taong 2018 at nitong Enero ng LVPI ang mga planong lahukang torneo ng national women’s senior indoor volleyball team at national under-23 squad na kanilang mahuhugot mula sa serye ng national tryout na ginanap na nga sa buwang ito.

Pero sa nagdaang Martes, Pebrero 19 sa lingguhang sesyon ng Philippine Sportswriters Association Forum sa bulinggit na Tapa King Restaurant sa Farmers Plaza, Cubao-QC, binasag ni Cayco ang puso ng mga balibolista.

Siniwalat niyang ‘di na sasali ang dalawang mga pambansang koponan sa 20th Asian Women’s Club Volleyball Championship 2019 sa Tianjin, China sa Abril 25-Mayo 5, sa 20th Asian Women’s Volleyball Championship 2019 sa Agosto 17-25 sa Seoul, South Korea, at sa 3rd Asian Women’s Under-23 Volleyball Championship 2019 sa Hanoi, Vietnam sa Hulyo 13-21.

Taktika raw ito ng organisasyon na magpokus sa paghahanda ng PHL teams sa 30th Southeast Asian Games 2019 na itataguyod ng bansa sa parating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Sa halip daw, babahagi na lang ang ‘Pinas sa apat na bansang Southeast Asian Grand Prix na sasalihan din ng Thailand, Vietnam, at Indonesia. Bukod pa sa pagsailalim na lang din aniya ng national pool sa training camp sa Japan at Korea.

Malinaw na panggogoyo ang ginawang ito ng LVPI at ni Cayco sa mga mga volleybelle. Kaya baka sa susunod, wala nang maniwala sa inyo. Kasama na ang TP!

***

Salamat sa aking kaeskuwela noong 1980-82 sa Fernando Ma. Guerrero Elementary School sa Paco, Maynila at ngayo’y Department of Education-Manila Elementary and Secondary Journalism­ Supervisor-in-Charge Ayla B. Urrea.

Naimbita niya po ako bilang resource person/judge sa pagsulat ng balita sa Division of City Schools Manila Schools Press Conference (Elementary, Grade 5) noong Sabado, Peb. 23 sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Manila.

Ikalawang sunod na pagkakataon na napabilang ang inyong lingkod na bumahagi sa parehas na okasyon. Noong Peb. 16 naanyayahan din ang TP ni Ms. Urrea na maging tagapagsalita/hurado sa DCS-Mla. SPC (Secondary) sa Antonio Maceda Integrated High School sa Sampaloc, Manila.