Noong bata pa ako, bukod sa gusto kong maging scientist at abogado ay gusto ko ring maging bumbero, mga apat na taong gulang pa lang ako nung pangarapin kong maging bumbero kaya kahit papaano sa napaka murang edad ko ay nagpa-practice na ako.
Minsang nag-brownout sa bahay namin sa Quezon City, nagkaroon ako ng pagkakataon na maglaro ng bumbero-bumberuhan, kasi kapag may kuryente obvious na obvious kung magsisindi ako ng kandila, mahigpit na ipinagbabawal kasi sa aming mga kids ng mahal at naggagandahang lolang si Salome at inang si Rhodora ang maglaro ng apoy dahil delikado nga at bukod pa noon ay napapalibutan ng makakapal na kurtina ang buong bahay namin.
Dahil puro kurtina nga ang buong bahay namin ay napagdesisyunan ko na ang kurtina namin ang pagpraktisan ko, ang ginagawa ko ay sinisindihan ko gamit ang kandilang may apoy ang aming kurtina at mabilis ko iyong pinapatay gamit ang spray bottle na may tubig hanggang sa sumablay ako kaya hindi ko na inulit.
Lesson Learned?! Syempre maging alisto palagi at huwag pabayaan ang mga tsikiting na nag-iisa lalo na ang maglaro ng apoy. Alam niyo ba na ang pinaka malaking sunog na naganap ay kayang-kayang puksain ng isang basong tubig kung maagapan lang ito sa tamang oras?
Anyways, pagkalipas ng maraming taon ay hindi pa rin mawala-wala sa aking isip ang maging isang totoong bumbero, kapag may nadadaanan akong mga sunog, nanunuod ako at hindi naalis sa akin ang i-criticize ‘yung mga diskarte ng mga bumberong pinapanood ko, haha!
Unang salta
At pagdating ko ng college ay nakilala ko si Sir Santos, coach namin sa women’s volleyball varsity team sa isa sa mga unibersidad na pinasukan ko, doon ko napag-alaman na fire and rescue volunteer pala siya sa mismong pinagtatrabahuhan niyang National Food Authority (NFA) at nagka-conduct sila ng mga trainings sa iba’t ibang lugar ng mga nagnanais na maging volunteer din na mga empleyado nila, so sumama ako sa lahat ng biyahe nila pagdating ng summer at dahil may alam naman ako sa EMS (Emergency Medical Services) ay ako naging taga-kuha nila ng mga blood pressure ng mga pasyenteng kanilang tinutulungan.
Nagsanay
At dahil libre ang training ay nagpa-train na rin ako, naroroon ‘yung gagamutin mo ‘yung mga matatagal na at maduduming sugat ng ibang tao, ‘yung bubuhatin mo ‘yung mga mabibigat na tao kasi nahimatay sila at iba pa; kasama sa training ‘yung ihahagis ka sa helicopter sa gitna ng dagat, actually hindi ako marunong lumangoy nang mga panahon na ‘yun, at syempre hindi ko sasabihin kasi nga hindi ako papasa, hindi rin naman ako natakot kasi may life vest naman, so ayun na nga nung hinagis ako, hindi ko malaman kung anong nangyari at habang nasa ere na ako pababa sa tubig bigla akong kinabahan ng sobra-sobra, kaya pagbagsak ko, nasira ‘yung acting ko nagmamarunung-runungang lumangoy.
Although may mga rubber boat namang nakapalibot na nakahandang mag-rescue, sinabon pa rin ako ng coach ko, e halos pagmumurahin na nga niya ako kasi nagpanggap akong marunong lumangoy e, Lesson Learned?! Kung rescuer ka, ikaw ang magre-rescue sa mga nangangailangan hindi ‘yung dadagdag ka pa sa mga ire-RESCUE!
Pagkatapos ng summer, nag-working student ako, nagtatrabaho sa kaka-open lang na Fashion Boutique ng Lee Pipes sa isang mall na labis kong nami-miss at malamang lahat mga taga-Norte ay alam itong Ever Gotesco-Grand Central sa Rizal Avenue, Monumento, Caloocan City na lahat ng bumababa sa LRT Monumento Station ay nadadaanan ito, doon ko nakilala sila ‘Bart and the rest of the gang’ na may mga pwesto ng pagawaan ng mga cellphone roon.
Sumalang na as volunteer
Nalaman ko na mga volunteers pala sila ng BJL Fire and Rescue, na-convinced nila akong sumali, dumaan ulit ako sa training pero this time kailangan na makapasok ako!
Naranasan ko na magbuhat ng dalawang naglalakihang fire hose na dos medya ang sukat at magduck walk palibot ng buong subdivision ng Meiling sa A. Bonifcacio, Quezon City at mag-duck walk ulit pabalik. Tatlo kaming babae noon na sabay-sabay nagtitraining si Camille Benedicto, Catherine Wong at ako, kaya kahit na sobrang pagod na pagod na kami sa training ay sulit na sulit naman kasi magkakasama kami at naging best of friends pa! Brotherhood ba kamo? Well, kami Sisterhood haha!
Ang pinaka malupit na training na ginawa namin ay ‘yung pang-finale, umakyat kami isa-isa sa isang fire ladder na nasa tatlong palapag ang taas at tanging apat na makakapal na lubid lang ang gamit para makatayo ito at pagdating sa taas ay binomba kami ng pinakamalalakas na pressure ng tubig na nanggagaling sa malalaking fire truck na nakapalibot sa amin, syempre may mga nakapalibot ding mga safety beds na sasalo sa amin kapag nahulog kami.
Ang siste kailangan hindi ka makabitaw habang nakakapit ka at binubomba ng malakas na pressure ng tubig, so ayun na nga sa Awa naman ng Diyos, nakapasa lahat kami, kami ngayon sina Emperor 8-Camille, Emperor 32-Catherine at Emperor 12-Cherie o Cherk.
Unang pagsubok
Unang responde namin, nalaglag ako sa bubong, e paano, sa plastic pala gawa ‘yung bubong hindi ko namalayan na nalulusaw na pala ‘yung tinatapakan ko, nailigtas ko naman ang sarili ko bago pa man ako makita ng mga kasamahan ko at mapahiya pa ako, sa fire scene naman tulungan ‘yan e, kumbaga ligtasan kayo ng buhay, actually nasa training din ‘yun, tatlo kayong papasok na may dala ng fire hose, ang first man siya ang may hawak ng hose na papatay ng apoy, ang second man siya ang may hawak ng kaligtasan ng first man at ang third man naman ay siyang may hawak ng kaligtasan ng first man at second man.
Kailangan palaging naka-monitor sa radio yung tatlong tao na ‘yun sa delta o sa tao namang maiiwan sa fire truck na siya namang nire-refill-an ng iba pang mga fire truck din na nire-refill-an din ng mga nasa likod nilang mga fire truck, kapag naubusan na ng tubig ay kinakailangan i-pull out na ang mga tao sa fire scene dahil sila naman ang malalagay sa panganib, Safety First! marami na ring mga bumbero ang nasawi sa pagresponde sa sunog, mahirap kalaban ang suffocation.
Mas maigi sana kung may fire hydrant sa bawat kanto ng kalsada para mas madaling maapula ang mga sunog na nagaganap, ang kaso may ibang mga tao ay abusado na dini-distrong ang mga hydrant para makalibre ng tubig, kaya pinagtatanggal na lamang ang iilan na nga lang na mga hydrant sa Kalakhang Maynila.
Thrill at excitement
Masarap ang thrill at excitement na dulot ng pagiging fire and rescue volunteer, hindi lang ‘yun, hindi matutumbasan ng kahit ano ang kakaibang pakiramdam kapag natapos na ‘yung sunog o anumang sakuna at makikita mo ang mga mukha ng mga taong walang tigil na nagpapasalamat sa kabayanihang iyong ginawa.
Alam mo ‘yung buwis-buhay na pagresponde para makatulong sa kapwa dahil iyon lamang ang kaya mong itulong sa kanila, “There’s nothing stronger than the heart of a volunteer.”
Ika nga ni Lt. Col. Jimmy Doolittle na ginampanan ni Alec Baldwin sa Pearl Harbor, ilang oras bago nila salakayin ang Bansang Japan dahil sa pagsalakay din sa kanila.
So that’s it! Nagpapasalamat ako at ang aming fire chief na si Bensor Llacer o Emperor Bravo, kay Jennifer Llacer o Emperor Alpha ang cute na cute na si Emperor Charlie, sa aking mga kasamahan sa BJL Fire and Rescue Volunteers na laging nag-aambag-ambag para sa maintenance at pang-gasolina ng aming pumper truck na si Pumper Prince, kay Sir Ariel o Emperor 22, Mike San Juan na siyang nag-airbrush ng napakagandang dragon sa aming fire truck, kay Kuya Jepoy o Emperor Mike, sa kapatid kong si Ronnie Frederick Almadin na very supportive sa mga Tito kong sina Rex Balagtas at Bong Balagtas.
Sa mga kapwa ko bumbero, volunteers man kayo o hanapbuhay niyo ito, ipagpatuloy lang natin ang ating mga nasimulan at huwag magpapasilaw sa kahit anong tukso at gawa ng Diablo, laging maging alerto at magdasal… Mabuhay Tayong Lahat!!!