Vote-buying sa Lanao del Sur aksyunan

Nananawagan ang mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang matinding vote buying sa Lanao del Sur at Marawi City.

Maaari umanong maapektuhan ang integridad ng halalan sa Mayo 13 dahil sa ganitong kalakaran.

Ang apela ng retired AFP at PNP officers ay sinuportahan ng hiwalay na apela ni Lanao del Sur lawyer Salic Dumarpa at 675 botante na nagbigay ng kanilang mga affidavit para kumpirmahin ang mga alegasyon hinggil sa umano’y malalang bilihan ng boto sa Marawi at mga kalapit na bayan.

Naghain na rin ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ang mga civic group at local political parties sa Lanao del Sur noong Abril 30, 2019 para maisailalim ang Lanao del Sur at Marawi City sa kontrol ng poll body.

Batay sa AFP at PNP retirees umaabot sa P6,000 ang bilihan ng kada boto sa Marawi City, Wao at iba pang munispalidad.

Ayon naman kay Dumarpa, nasa P2,000 hanggang P10,000 ang bilihan ng boto sa iba pang mga bayan.

“Mr. President, we submit that there is no better excuse to the foregoing mockery of the electo­ral process but to make good your policy ‘to declare a failure of elections in the province of Lanao del Sur and Marawi City,” hirit ni Dumarpa.