Isinumbong kahapon ng ilang residente sa Tondo, Maynila kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño ang umano’y vote buying ng ilang mga kandidato sa halalang pangbarangay.
“Kailangan po itong agad na masiyasat at maberipika ni Undersecretary Diño para mapanagot ang mga posibleng sangkot dito,” dagdag pa nila.
Ayon sa mga residente, handa silang magbigay ng impormasyon sa naganap na umano’y vote buying kung kinakailangan.
Naniniwala rin ang mga residente na ang pagbibigay ng pera ay ipinagbabawal kahit pa nakatago ito sa ilang programa at proyekto na itinaon sa election period ng naturang kinatawan.
Ayon sa mga residente, suportado umano ng isang malaking personalidad ang mga nabanggit na kandidato sa barangay.
Ipinagbabawal ng batas ang paglahok at pakikialam ng mga nanunungkulang opisyal dahil ang halalan ng barangay ay isang non-partisan, dagdag pa ng mga residente.
Inaasahang aaksiyon ang DILG sa reklamong nabangggit na nauna nang nagbunyag ng vote buying scheme sa iba’t ibang bahagi ng bansa na umano suportado ng ilang nakaupong opisyal, ayon sa apela ng mga residente.