Plano ng Commission on Elections (Comelec) na i-extend hanggang sa Hunyo, 2017 ang voters registration para sa barangay at Sangguniang Kabataan Elections (SBKE) sa Oktubre, 2017.

Gayundin nabatid na muling magdaraos ng voters’ registration ang (Comelec) sa susunod na buwan, kasunod na rin nang pag-apruba ng Kamara sa panukalang pagpapaliban ng Oktubre 31, 2016 BSKE at gawin ito sa Oktubre, 2017, na ngayon ay nasa ikala­wang pagbasa na.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, inabisuhan na nila ang kanilang mga field offices na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang muling pagbubukas ng voters’ registration sa Oktubre.

Layunin nito na matiyak na mas maraming botante ang makakapagparehistro at makakaboto sa susunod na halalan.

“We will be conduc­ting an early information campaign on the resumption of the voters’ registration to get voters to register earlier,” ayon pa kay Bautista.

Inaasahan naman ng Comelec na mas marami ng isang milyon ang mga botante para sa 2017 BSKE kumpara sa 2016 presidential elections, o aabot sa mahigit 55 mil­yong botante dahil makakasama rito ang mga SK voter na nagkakaedad ng 15 hanggang 17-taong gulang.

Nalaman na mayro­ong 54.4 milyong rehis­tradong botante ang nagpatala para sa 2016 pre­sidential elections at 81.62% nito o mahigit 40 milyon ang aktuwal na bumoto.

Alinsunod sa Section 8 ng The Voter’s Registration Act of 1996 ang pagpapatuloy ng pagrerehistro ng mga botante araw-araw sa lahat ng tanggapan ng election officers sa bansa tuwing regular hours.

Ipinagbabawal naman ang pagrerehistro ng mga bagong botante, 120 araw bago ang isang regular election at 90 araw bago ang isang special election.