VP Leni camp handa sa election protest trial

Romulo Macalintal

Imbes na ikalungkot, ikinatuwa pa ng kampo­ ni Vice President Leni ­Robredo ang desisyon ng Korte Suprema na ­ituloy ang election protest ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., dahil ito ang maglilinaw na hindi nandaya ang Bise Presidente noong nakaraang election.

Ginawa ni Atty. Romulo Macalintal ang nasabing pahayag matapos itakda ng SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang preliminary conference sa Hunyo.

“We welcome the Presidential Electoral Tribunal’s decision and want the case resolved at the soonest to remove any questions on the legitimacy of the victory of VP Leni,” ani Macalintal.

Dahil dito, inaasahan na magsisimula na ang preliminary conference sa kaso at handang-handa na umano ang grupo ni Macalintal para rito.

Tiwala rin ang kampo ni Robredo na ibabasura ng PET ang election protest ni Marcos dahil wala umanong basehan ang kanyang alegasyon na nagkaroon ng dayaan noong nakaraang eleksyon kaya ito natalo.