Nagpasalamat si Vice President Leni Robredo kay PCO Assistant Secretary Mocha Uson dahil sa pagsama ng kanyang pangalan sa isang survey kung sino ang maaaring ipalit kay dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo matapos itong i-reject ng Commission on Appointments (CA) ang appointment nito.

“Nagpapasalamat na din tayo kay Asec. Mocha Uson, na pagpapakita siguro na may tiwala na puwede tayong humawak ng ganyang kabigat na puwesto,” wika ni VP Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo kahapon.

Ayon sa VP, mas malaki ang pasasalamat niya sa mga taong bumoto na karapat-dapat siyang manilbihan bilang DSWD Secretary.

“Mas malaki sigurong pagpapasalamat sa mga nagpahayag na ako ‘yung preference nila, kasi pagpapakita na tinitiwalaan tayo sa ganitong larangan” ani Robredo.

Sa online poll na inilunsad ng blogger na si Uson, namayagpag si Robredo sa nakuhang 81 percent ng 16,432 bumoto sa survey.

Nakakuha naman ng 6 percent ang isa ring blogger at ngayon ay DSWD Assistant Secretary Lorraine Badoy, 2 percent kay Monica Prieto-Teodoro, asawa ni dating Defense Secretary Gilbert Teodoro.