Tutol si Vice President Leni Robredo sa panukalang armasan ang mga kapitan ng barangay sa katwirang hindi naman ito garantiyang makakamit ang peace and order.
“Ako, hindi ako pabor, kasi hindi naman iyon iyong mandato ng barangay officials. Iyong mga barangay officials, iyon iyong nagpe-perform ng executive functions sa barangay,” pahayag ni Robredo nang hingan ng reaksyon nang dumalo sa oathtaking ng mga bagong halal na barangay at Sangguniang Kabataan official sa Naga City.
Giit ni Robredo na mayroon namang mga peacekeeping institution ang bansa gaya ng pulis at military na siyang nangangalaga ng kaligtasan at seguridad ng publiko.
“Iyong pagdadala ng armas, hindi iyon iyong kasagutan sa peace and order. Maraming ibang paraan para panatilihin iyong peace and order, na hindi mo kailangang armasan iyong mga barangay officials,” paliwanag ng Pangalawang Pangulo.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinokonsidera niyang armasan ang mga barangay captain bilang proteksyon sa kampanya laban sa illegal drugs.
Samantala, sinabi din ni Robredo na pabor syang gawin nang limang taon mula sa dating tatlong ang termino ng mga barangay at Sangguniang official upang maiwasan na masyadong mapulitikang eleksyon.