VP Leni: Kumalma, protektahan ang sarili

Sa harap ng banta ng novel coronavirus ­disease (COVID-19) sa bansa, umapela si Vice President Leni Robredo sa publiko na mana­tiling kalmado.

“Pagpapaalala natin sa ating mga kababayan na huwag mag-panic, maging kalmado at ­alerto, at magbahagi lamang ng mga wastong impormasyon mula sa mga kinauukulan,” pahayag ni Robredo.

Aniya, may mga protective measures na maaaring gawin para makaiwas na makakuha ng virus na siyang dapat na gawin ng bawat isa gaya na lang ng regular na paghuhugas ng kamay, pag-iwas na hawakan ang mukha at pagpapalakas ng katawan.

“Simple ang mga hakbang para protektahan ang sarili sa COVID-19, pero napakalaki ng ­impact nito upang hindi na lumaganap pa ang sakit,” dagdag pa nito.

Nanawagan si Robredo na huwag katakutan ang sakit bagkus ay maging alerto, sa unang sintomas ng sakit ay agad na magpatingin sa doktor.

Sa pinakahuling report ng Department of Health (DOH) ay may 6 nang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa at mayroon na ring local transmission. (Tina Mendoza)