Nangangamba si Vice President Leni Robredo na baka maubos agad ang inilaang P16 bilyong calamity fund ng gobyerno bago pa matapos ang taon.
Sa kanyang programa sa dzXL na ‘Biserbisyong Leni’ nitong Linggo, kinuwestiyon ni Robredo kung bakit binawasan pa ng P4 bilyon ang calamity fund para ngayong 2020.
Nag-aalala si Robredo na sa dami ng mga sakuna at kalamidad ay posibleng maubos agad ang pondo.
“Iyong haba noong…iyong dami saka haba ng sakuna parang iisipin natin papaano kaya ito mag-last until the end of the year? Kasi ngayon, ano pa lang tayo, eh, first half of January ganito na ka-grabe,” sabi ni Robredo.
Una nang ibinunyag ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na binawasan ng bicameral conference committee ang P4.1 trilyong budget ngayong taon at kabilang sa tinapyasan ng P20 bilyong pondo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaya P16 bilyon na lamang ang natirang pondo ng ahensiya.
Sabi ni Robredo, baka wala nang pondong mailabas ang gobyerno para sa rehabilitasyon kapag hinagupit ang bansa ng iba’t ibang kalamidad ngayong taon.