Binara ni Vice President Leni Robredo ang hirit na payagan nang magbalik operasyon ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kabila ng hindi pa nga natatapos ang pinalawig na enhanced community quarantine kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sabi ni Robredo, dapat bigyang prayoridad ng gobyero ang kinabukasan ng mga Pilipino bago ikonsidera ang muling pagbubukas ng mga POGO sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.

“Kapag inuna pa kasi natin [itong] mga POGO, ang dami-dami na ngang problemang dinulot nito sa society natin, tapos ngayon na nagkakagulo lahat—‘di ba hinihingi natin sa mga kababayan natin na habaan iyong pasensya, kailangang dagdagan iyong sakripisyo, para ma-flatten iyong curve—tapos ang bibigyan ng preference sa pagbalik sa trabaho, sila,” pahayag ni Robredo sa kanyang lingguhang radio program.

“Parang insulto ito. Insulto. Mahirap maintindihan ng mga kababayan natin kung bakit,” dagdag pa nito.

Para kay Robredo, mahalagang bigyan ng prayoridad ang mga manggagawang Pilipino na nangangailangang makabalik sa trabaho.

“Siguraduhin natin na sapat iyong kikitain nila at makapagtrabaho kaagad. Kung hindi naman makapagtrabaho, mabigyan ng tamang suporta para hindi magutom,” dagdag pa ni Robredo.