VP Leni sa negosyante: ‘Wag kalimutan ang naiiwan sa progreso

Hiniling ni Vice President Leni Robredo sa mga negosyante na huwag kalimutan ang mga maliit na naiiwanan sa progreso dahil wala aniyang pag-unlad na matatawag kung ito ay iikot lang sa mga elitista.

Sa kanyang talumpati sa 47th National Marketing Conference na ginanap sa Grand Ballroom, Marriot Hotel, Newport City, na malaki ang maitutulong ng nasabing grupo sa pag-unlad kung matutulu­ngan ng mga ito ang mga maliliit o mahihirap na mamamayan.

Sinabi ni Robredo na sa ngayon ang Pilipinas ay nagiging emerging market dahil sa mataas na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa nakaraang dekada na magandang senyales para sa negosyo.

“But let me encourage you to remember those who have been left behind by progress, even as you prepare for the more exciting times ahead,” ani Robredo sa mga delegado ng nasabing kumperensya.

Ayon kay Robredo, marami pa sa mga Pilipino lalo na ang mga nakatira sa mga malalayong lugar sa bansa ang hindi kayang bumili ng mga produktong ibinebenta ng mga negosyante, hindi napapanood ang kanilang mga commer­cials o patalastas o kaya hindi alam ang panga­lan ng kanilang mga ibinebentang mga pagkain, damit at kung anu-ano pa.