Kahit na ang ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa, hindi nakaligtas sa matinding trapik na dulot ng ASEAN Summit.
Isiniwalat ni Vice President Leni Robredo na hindi lang mga ordinaryong motorista ang nakaranas ng matinding trapik dulot ng ASEAN Summit kundi pati siya.
Noong Sabado aniya, higit dalawang oras ang biyahe niya mula sa Pasay City patungo sa kanyang tanggapan sa New Manila, Quezon City. Hindi nagdadala si Robredo ng hagad o motorcycle policemen sa kanyang convoy.
Subalit ang pinakamatindi nito, nang lumabas siya sa kanyang opisina na nasa 11th Street patungo sa 6th Street, kalimitang inaabot lang ng dalawang minuto ang 800 metrong biyahe subalit inabot siya ng halos isang oras para makarating doon.
“Noong lumabas ako sa opisina, siguro mga pasado alas-singko. Lilipat lang ako, Ka Ely nasa 11th Street ‘yung opisina namin, lilipat ako sa 6th Street, halos isang oras,” wika ni Robredo sa isang programa sa radyo ni Ely Saludar na isang kolumnista din ng Abante/TONITE.
“Sabi ko nga, kung nilakad siguro mas mabilis pa. Kaya ano talaga, medyo magtitiis tayo nang ilang araw, kasi medyo malala ‘yung traffic ngayon,” dagdag ni Robredo.
Nanawagan naman ang Bise Presidente sa publiko na huwag na lang lumabas ng kanilang bahay kung wala namang importanteng pupuntahan.
“Siguro ‘yung paalala na lang sa lahat, kung hindi naman mahalaga ‘yung gagawin, kung ayaw mong uminit ‘yung ulo sa traffic, siguro huwag na munang lumabas, o maghanap ng mga lugar na pupuntahan na hindi dadaanan ‘yung sobrang traffic,” payo ni Robredo.
Nitong Linggo, kalbaryo din ang inabot ng mga motorista sa halos hindi na umuusad na trapiko hindi lang sa kahabaan ng EDSA kundi maging sa iba pang kalsada sa Metro Manila dahil sa lockdown para sa mga convoy ng mga delegates ng ASEAN Summit.
Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metrobase, heavy traffic ang dinanas ng mga motorista sa EDSA-Balintawak hanggang Monumento kahit katanghaliang-tapat dahil sa pagsasara sa trapiko sa pagdaan ng mga convoys para sa nasabing kaganapan.
Sa EDSA-Cubao mula Timog Avenue hanggang Aurora Boulevard, Camp-Aguinaldo-Santolan, SM North-Muñoz at iba pa ay hindi gumagalaw ang trapiko, bumagal din ang daloy ng trapiko sa C-5 Road na nagsilbi sanang alternate route ng EDSA ngunit hindi naman kasing-bigat ng trapiko katulad ng sitwasyon sa EDSA.