Simple lang ang plano ng Miami Heat sa final play ng laro: Huwag hayaang nakawin ni James Harden ang panalo.
Tagumpay si Dwyane Wade at ang Heat.
Sa pambubulabog ni Wade, napilitan si Harden na ipasa ang bola habang paubos ang oras, sablay ang 3-pointer ni Eric Gordon sa buzzer, at kumapit ang Heat para ipreserba ang 101-99 panalo kontra Houston Rockets Huwebes ng gabi.
“If somebody else hit, we would deal with it,” ani Wade pagkatapos ng unang three-game winning streak ng Miami ngayong season. “But it wasn’t going to be James Harden.”
Umiskor si Harden ng 35 sa Rockets na naputulan ng five-game winning run. Nawala pa sa Houston si Chris Paul nang abutin ng strained left hamstring at hindi na nakabalik.
Nagsumite si Josh Richardson ng 22 points, may 19 si Tyler Johnson sa Heat na lumamang ng 16 sa kaagahan ng laro, napakawalan ang 11-point lead sa fourth quarter bago nag-rally.
Sa 3 ni Gordon ay dumikit sa dalawa ang Houston 37 seconds pa. Sablay si Wade sa kabila, hinablot ni Hassan Whiteside ang offensive rebound at muli ay mintis si Wade bago nakuha ng Rockets ang bola 3.8 seconds na lang.
Napunta ang last play kay Gordon, malayo sa target ang kanyang 3 – pang-54 na bitaw ng Rockets sa labas ng arc – at tumakas ang Miami.
Humugot pa ang Heat ng 15 points kay Derrick Jones, 11 kay James Johnson at tumapos si Wade ng 10. (VE)