Siguradong hindi malilimutan ni Dwyane Wade ang posibleng final performance niya na sa New Orleans Linggo ng gabi.

Palabas ng court ay hinarana si Wade ng “D-Wade! D-Wade!” mula sa fans na nag-abang sa tunnel papasok ng visitors locker room pagkatapos niyang mag-deliver ng 19 points para tulungan ang Miami Heat sa 102-96 win kontra Pelicans.

Tampok sa pasiklab ni Wade ang dalawang pahirapang tira sa harap ni Anthony Davis sa pagtatapos ng dalawang half.

Gustong suklian ni Wade, mag-37 na sa Janua­ry at planong mag-retire pagkatapos ng season, ang tiyaga ng fans para makita siyang maglaro sa huling pagkakataon.

Nanakit ang likod niya at napilitang magpahinga sa Memphis noong Biyernes, determinado siyang maglaro sa New Orleans.

“I definitely understand the sacrifices people make to be at our games,” wika ni Wade. “I just wanted to make sure tonight I was able to get out there. And then I started feeling pretty good as it went on, got a couple shots to fall and the rest is history.”

Sinalubong ng ovation si Wade pag-check in sa laro at ipinasok ang unang tatlong 3-point attempts, huli ang pinabanda niya sa harap ni Davis sa final seconds ng first half. Ang pagbanda sa glass lang daw ang paraan para pumasok ang tira.

“I decided to ask God to put in in for me – just prayed on it,” natatawang sabi ni Wade.

Dumikit ang Pelicans 96-90 sa 3 ni Davis 2:32 pa, pero nagbaon ng driving floater si Wade tungo sa 100-92 lead Miami 51 seconds na lang.
Umiskor ng 22 si Josh Richardson sa Heat.