Tulad ng inaasahan, masaya lang ang farewell All-Stars nina Dwyane Wade ng Miami at Dirk Nowitzki ng Dallas.

Tinapik ni commissioner Adam Silver ang dalawang beterano bilang honorary members ng magkatunggaling All-Star teams sa Charlotte Linggo ng gabi. Si Wade ay kinuha sa draft ng kaibigan at kakampi niya dati sa dalawang championship team ng Miami Heat na si LeBron James, napunta si Nowitzki kay Giannis Antetokounmpo.

Bago ang season ay sinabi na ni Wade na ‘Last Dance’ na niya ang 2018-19, magre-retiro na pagkatapos. Posibleng huli na rin ni Nowitzki ang 21st season niya sa Dallas.

Pumasok sa laro si Nowitzki sa dulo ng first quarter at walang mintis sa tatlong pukol – lahat 3-pointers – bago naupo.