Nakakalungkot ang naririnig kong kuwento ng mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFW) na hindi nakakatanggap ng maayos na pagtrato sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Katulad na lamang ng naging karanasan ng reporter natin sa Abante na si Armida Rico na tumulong sa kaanak ng isang OFW para ilapit ang problema sa DFA.
Sa kuwento ni Ms. Rico, bago siya nagtungo sa DFA ay nakipag-ugnayan siya kay Undersecretary Elmer Cato upang idulog ang kaso ng namatay na OFW sa Saudi na si Evelyn Rivera Corpuz.
Pinapunta umano si Ms. Rico ni Usec. Cato sa kanyang tanggapan at ibinilin sa kanyang secretary.
Pero nang makarating sa DFA si Ms. Rico kasama ang anak ng namatay na OFW na galing pa ng Pangasinan ay napag-alamang wala ang opisyal dahil nagtungo diumano ito sa burol ng mag-asawang nalunod sa Maldives.
Ang masaklap pa ay pinaghintay nang matagal ang tumulong na media at kaanak ng namatay na OFW.
Wala tayong isyu sa pakikiramay ng opisyal ng DFA sa mag-asawang nasawi sa Maldives dahil tungkulin nila ito.
Ang sa akin lamang, sana naman ay maging parehas ang DFA.
Intindihin ang lahat ng lumalapit sa kanila lalo na ang mga OFW na nagigipit dahil bahagi ito ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Huwag na nilang hintaying ma-media pa bago umaksyon.