Marami ang nagulat at nagtaas ng kilay sa ginawang pagtatalaga sa dating sexy blogger at entertainer na si Mocha Uson bilang Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng pamahalaan.
Kung kuwalipikasyon ng mga katropa ang pag-uusapan, marami namang bitbit si Mocha. Aba’y tapos po ng kolehiyo si Mocha sa kursong medical technology sa kilalang Unibersidad ng Santo Tomas.
Pero ang higit na mahalaga sa pagkakahirang kay Mocha ay ang lubos na tiwala sa kanya ng Punong Ehekutibo. Sa isang organisasyon, mahalaga na bilib at naniniwala sa iyo ang iyong boss na magagampanan mo nang mabuti ang atas na tungkulin.
Bago siya itinalaga sa PCOO, naunang ipinuwesto si Mocha bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong nakaraang Enero, kung saan nangako siyang babantayan ang mga palabas sa telebisyon para maalis ang mga tinatawag niyang “soft porn”.
Pero ngayon, ano ba ang tungkulin na posibleng inatas kay Mocha bilang Asec ng PCOO? Dahil nasa ‘communication’ department siya, malamang ay inaasahang magsisilbi siyang tulay ng pamahalaan para maiparating ang mga ‘mensahe’ ng gobyerno sa publiko.
Kung tutuusin, kung pagiging ‘communicator’ ang pag-uusapan, aba’y bidang-bida malamang si Mocha sa dami ng mga follower niya sa kanyang social media na milyun-milyon. Katunayan, marami ang naniniwala na malaki ang nagawa ng mga post ni Mocha sa nakaraang halalan.
Tama si Senadora Leila De Lima na hindi na dapat ungkatin pa ang nakaraan ni Mocha bilang sexy blogger at entertainer. Sa totoo lang naman, wala naman sa hitsura o galing sa inglesan ang pagiging ‘communicator’. Ang tungkuling ito ay nakabatay, mga tsong, sa abilidad ng opisyal na maihatid nang malinaw at tama ang impormasyon na dapat maipaalam sa publiko.
Gaya ng isyu sa nakaraan ni Mocha bilang entertainer, parte na rin ng nakaraan ang mga alegasyon na nagpapakalat siya ng ‘fake news’ sa kanyang blog, ang mahalaga ay ang kanyang gagawin ngayon.
Dahil ‘opisyal’ na ang pagkakahirang sa kanya bilang opisyal ng PCOO, inaasahang mas magiging responsable na siya sa mga ipakakalat na impormasyon dahil mas babantayan na siya ng taumbayan, at maging mga ‘mainstream media’.
Kaya huwag agad husgahan si Mocha. Makabubuting abangan ang susunod na kabanata at bigyan ng pagkakataong magpakitang-gilas ang opisyal.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)