Binunyag ng Philippine Basketball Association (PBA) ang isang rule na magbabago ng landscape ang liga.

Sa bagong probisyon ng PBA, kanilang iba-ban ang mga eligible na player na nag-skip ng draft proper sa dalawang magkasunod na taon.

Posibleng maapektuhan ng nasabing rule sina Joshua Munzon, Santi Santillan, Alvin Pasaol at Thirdy Ra­vena.

Kung titingnan, posibleng ginawa ito ng PBA para maiwasan ang pamimili ng mga player ng koponan na paglalaruan, na kapag hindi trip ang pagkakasunod ng draft order ay mag-i-skip para sa mga susunod na taon.

Ngunit kung sisipatin ang hinaharap, tila mas makakasama pa ito para sa local basketball scene.

Ngayon ay hindi na lang PBA ang option ng mga galing college pagka-graduate, nandiyan ang Asean Basketball League (ABL), MPBL, iba’t ibang international league, at ang umaangat na 3×3.

Hindi naman kaila na PBA pa rin ang isa sa top premiere league sa Asia, at malaki ang tsansa na gusto pa ring maglaro ng mga nag-skip sa draft sa nasabing liga, ngunit may gusto pang patunayan sa kanilang mga sarili.

Katulad ni Thirdy na nais munang ma-experience ang international play para na rin sa pagsalang sa PH national team.

Nandiyan din sina Munzon, Pasaol at Santillan na gumagawa ng ingay ngayon sa 3×3 at may tsansang makapasok sa Olympics.

Kung gagawa ng ganitong rule ang PBA ay kanilang ipe-pressure ang mga bata na pumasok agad sa liga, at mabuhay na may pinagsisihan dahil hindi nagawa ang kanilang mga gustong maasam bago sana maglaro professionally.

Sana ay pag-aralan ito ng PBA dahil tila hindi tama na madaliin ang mga bata para kumayod agad kaysa abutin ang iba pa nilang mga pangarap.