Nagbabala ang Presidential Security Group (PSG) sa publiko laban sa nagbabanta sa buhay ni Pangulong Rodrrigo Duterte sa pamamagitan ng social media.

Sinabi ni PSG commander Colonel Jesus Durante na mananagot ang sinomang mananakot o magbantang pumatay, lalo na sa Pangulo ng bansa.

“I would just like to convey to the people not to be involved in any way of threatening the President or anybody especially with the use of the social media. Anybody could be held liable if he threatens to harm or kill a person, what more if the one that is threatened is the President of the Republic,” ani Durante.

Dalawa na ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na nagbanta kay Pangulong Duterte sa social media, partikular sina Ronald Mas, isang guro sa Zambales, at Ronald Quiboyen, isang construction worker sa Malay, Aklan.

Mayroon pang tatlo na hinahanap sa ngayon ng NBI matapos magbantang babarilin ang Pangulo at isa rito ay nananawagan pa sa Abu Sayyaf para patayin si Pangulong Duterte.

Sinabi ni Durante na tutulong sila sa NBI at PNP sa pagmo-monitor at pag-aresto sa mga nagbabanta sa Pangulo.

“PSG will closely work with the law enforcement agencies to monitor and apprehend those who are responsible for such acts,” dagdag ni Durante. (Aileen Taliping)