Malamig na ang panahon at simoy Pasko na, pero baskil ka pa rin ba?
Baskil ang ‘short term’ sa basang kilikili. Nakakadiri mang pakinggan pero totoong marami pa rin ang nasa ganyang sitwasyon.
Alam n’yo bang malaki pala ang kinalaman ng stress sa pagkakaroon ng baskil? Kaya payo ng mga doktor, iwasan ang sobrang stress. Major contributor ng underarm sweat ang sobrang pag-aalala sa mga bagay-bagay.
Natural na nagpapawis ang tao dahil sa sweat glands. Paraan daw ito ng katawan natin para i-regulate ang body temperature. Kaya tuwing naiinitan tayo, mas maraming pawis ang inilalabas ng katawan para mapreskuhan.
Bukod sa hindi kaaya-ayang hitsura, posible rin itong pagmulan ng body odor. Kaya dapat talagang solusyunan.
May mga home remedy sa pagkakaroon ng baskil.
Una, pagpahid ng diluted apple cider vinegar (ACV) sa kilikili. Ibig sabihin, hindi concentrated at may halong tubig. May astringent properties ang ACV na matatagpuan din sa binibili nating deodorant.
Pinapatay nito ang bacteria na pinagmumulan ng body odor at excessive sweat.
Puwede rin daw ihalo ang ACV sa tubig pampaligo. Patakan lang ng essential oil para hindi masyadong umamoy ang suka. Baka nawala nga ang baskil, nangasim ka naman.
Isa pang alternatibong gamot sa baskil ang pinaghalong pinigang fresh lemon at baking soda. Pareho itong may anti-perspirant. Haluin ang pinigang fresh lemon at baking soda saka ito ipahid sa kilikili.
Kung takot kang mag-experiment, narito ang ilan pang tips mula sa mga eksperto. Puwede kang maglagay ng anti-perspirant na deodorant sa gabi bago matulog. Mas naa-absorb daw kasi ng kilikili ang aluminum compounds ng deodorant kapag night time.
Magsuot din ng mga preskong damit.
Para maiwasan din ang matinding pagpapawis, magbaon ng isa hanggang dalawang tuwalya, extra T-shirt, payong, pamaypay at pulbos tuwing lalabas ng bahay.
Kundi talaga masolusyunan ang sobrang pagpapawis, kumonsulta na sa espesyalista. Posibleng mayroon kang axillary hyperhidrosis, kondisyon kung saan limang beses na mas marami sa regular na amount ng pawis ang inilalabas mo sa katawan.