Hinay-hinay lang mga tropapips sa excitement ngayong medyo mas maluwag na ang community quarantine sa Metro Manila at ilan pang lugar, dahil baka kapag nagpabaya ka at minalas-malas eh baka bigla kang “mabinyagan” ang bagong pangalan na si “Patient No. Chuvanes.”

Bago kasi nagdesisyon si President Mayor Digong Duterte na sundin ang rekomendasyon ng IATF (Inter-agency Task Force) na ilipat na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila mula sa dating modified enhanced community quarantine (MECQ), nagpahayag ng pangamba ang ilang eksperto na baka hindi pa ligtas na gawin ang pagbabago sa quarantine dahil mayroon pang pitong libong COVID-19 positive patient ang hindi nailalabas ng Department of Health.

Katunayan, nang araw na ianunsyo na gagawin nang GCQ ang Metro Manila, aba’y higit 500 ang nadagdag sa listahan ng COVID-19 cases sa bansa. Kaya ang resulta, sumipa ang kabuuang bilang sa higit na 15,000. But wait there’s more, isang araw matapos na ianunsyo na GCQ na ang Metro Manila, aba’y dumoble pa ang bagong mga kaso na higit 1,000, ang pinakamataas na bilang sa isang araw, nang araw na iyon. Kaya ang resulta, parang presyo ng bisikleta ang naging total number ng COVID-19 positive na biglang taas sa higit 16,000.

Habang isinusulat natin ito, hindi natin alam kung ilan pa ang nadagdag sa bagong mga kaso bawat araw kung nahigitan pa ang 1,000. Pero kung tama ang naging babala ng mga eksperto tungkol sa higit 7,000 kaso na hindi pa noon naiuulat ng DOH, aba’y mukhang aabot sa higit 20,000 ang COVID-19 cases sa bansa.

Sabi ng mga kurimaw natin na atat na atat noon na mag-GCQ na sa pag-aakalang mabubuksan na ang mga parlor at masahihan pero na-hopia sila dahil hindi nangyari, gasgas na ang paliwanag at katwiran ng DOH na dumadami ang bilang ng mga bagong kaso dahil humuhusay at dumadami na ang laboratoryong nagsasagawa ng COVID-19 test, dumami na ang test kits, dumami na ang encoder at nagba-validate.

Pero ang ending daw nito at suma-tutal, lumalabas na marami talaga ang mga taong tinamaan ng virus pero hindi kaagad nasuri. At kahit pa sinasabing “backlog” o naipon ang karamihan sa mga “bagong” kaso, ang katotohanan eh madadagdag pa rin ito sa pangkalahatang bilang ng mga infected na Pinoy.

Ang malaking tanong pa ng ating mga kurimaw, nahanap kaya at namonitor ang mga nakasalamuha ng mga sinasabing mga infected? Kasi kung hindi, naku po! Magiging patibayan ng katawan at bulsa ang magiging labanan sa GCQ dahil inaasahang na mas maraming tao na ang lalabas ng mga bahay.
Naalala tuloy ng mga kurimaw natin ang reklamo ng mga senador laban sa matibay na si DOH Sec. Francisco Duque III, na naging makupad sa paghahanda sa COVID-19 kaya inabot ng siyam-siyam ang pagkakaroon ng mga test kit at laboratoryo para maraming Pinoy kaagad sana ang na-test at nailayo sa mga tao.

Ngayon, may mga lumalabas pang bagong alegasyon na may mga nangupit sa pagbili ng mga test kit at PPEs. Birada nga ni Senador Ping Lacson, nag-mutate na ang virus at naging “corruptionvirus” disease na kaya dapat lang talagang halungkatin ng Senado ang mga naki-KOPIT-19.

Kaya kahit GCQ na, mas mabuting manatili pa rin sa bahay kung wala namang gagawin sa labas. At kahit may ilang establisimyentong bubuksan na, iwasan pa rin ang matataong lugar. Tandaan mga tropapips, may ilang bansa na nagluwag sa kanilang bantay sa virus at ilang araw o linggo lang, sumipa na uli ang kaso sa kanila tulad sa South Korea na napilitang magsara uli ng mga paaralan. Ika nga, it’s better to be safe than sorry. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”