Tulad ng inaasahan, siraan dito, siraan doon ang maririnig natin sa mga magkakalabang kandidato.
Kaya nasa ating mga botante ang tamang paghimay ng mga isyu, batikos o black propaganda sa mga kandidato.
Pero higit sa lahat, huwag tayong papadala sa pagpapa-cute ng mga kandidato na gumagamit ng kung ano-anong black propaganda mapagtakpan lamang ang kanilang mga kalokohan.
***
Sa maduduming kandidato, tingin ko ay iba sa kanila itong si Ali Atienza na tumatakbong kongresista sa Maynila. Imagine, isang simpleng tao pero may karisma kaya kahit saan magpunta ay dinudumog.
Sabagay kung talagang pagbabago ang hanap mo aba’y dapat kang sumugal sa kandidatong sa tingin mo ay maghahatid sa inyo ng pakinabang.
Katulad na lamang ng mga taga-District 5 ng Maynila, aba’y palaging dagsa ang dumadalo sa mga pa-meeting ni Ali para pakinggan ang magaganda niyang plano sakaling maluklok sa Kamara.
Sa loob nga naman kasi ng ilang panahon at kung sino-sino na ang naupo at naging kinatawan ng nasabing distrito ay tila ganu’n pa rin ang kanilang kapaligiran. Walang magandang nakikita o nararamdaman ang mga residente.
Ultimo nga basura ay nagkalat at hindi maipatupad ng ayos, e ano pa ba ang aasahan na ikagaganda ng distrito?
Kaya si Ali Atienza na lehitimong anak ng 5th District ay nais tulungang maiangat ang kanilang lugar upang maging isang modelong lugar o distrito sa Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng paghahain ng mga panukalang magpapangat sa Maynila hindi lang ng kanyang sasakuping distrito.
Hindi ito malayong mangyari lalo na’t napakaganda ng performance na ipinamalas ng kanyang ama sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at mismong si Ali nang ito ay konsehal pa lamang ng Maynila.
Si Ali na dating konsehal ng 5th District ay kilala sa city council na palaban. Kaya niyang tayuan mag-isa at ipaglaban ang sa inaakala niya na para sa kabutihan at kapakanan ng kanyang distrito at nasasakupan.
Bakit nga naman hindi subukan ng mga taga-Maynila Distrito 5 baka sakaling mas maaliwalas na distrito ang maibibigay ni Ali.