‘Wag politikahin

Mukhang wala yata sa hulog ang ilang senador sa ginawa nitong panggigisa kay Sen. Bong Go sa isyu ng nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa.

Sa ganang akin eh wala po yata sa tiyempo na ngayon pa kayo eeksena.

Halos dalawang linggo na lang at idaraos na sa bansa ang napakalaking event na ito pero itong si Sen. Frank Drilon eh ngayon pa nag-moment sa paggisa kay Sen. Bong sa awtoridad ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) sa pamamahala ng nalalapit na SEA Games, habang nakasalang sa plenaryo ang panukalang budget ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa susunod na taon.

Actually lumang isyu na itong kinakalkal ni Drilon na ‘legal persona­lity’ ng Phisgoc.

Pero ang malaking bakit ay kung bakit sa lahat ng oras ay ngayon pa ito nag-emote at iti­naon sa nalalapit na SEA Games?

Kung may motibo man siya, mas matimbang pa ba ito sa posibleng demoralization sa ating mga atleta, manggagawang nagtatrabaho para sa SEA Games at higit sa lahat ay ang posibleng epekto nito sa reputasyon ng ating bansa?

Sa pagkakataong ito, huwag naman nating pairalin ang crab mentality.

Suporta ang kaila­ngan ng ating mga atleta hindi pampahina ng loob para makapokus sila sa kanilang pagsasanay at paghahanda.

Isantabi po muna ang politika.

Sa halip na magsiraan at hatakin pababa ang mga opisyal sa organizing Ccommittee, dapat sana ay tumulong na lang para masigurado ang tagumpay at panalo ng mga Pilipinong atleta.

Ngayon lang muling magho-host ang Pilipinas ng SEA Games pagkalipas ng 14 na taon kaya ‘wag naman po sanang manira ang iba diyan. Good vibes lang po.

Ang matagumpay na SEA Games hosting ay dapat nating ialay sa ating mga manlalaro.

Ibinatay ng kasaluku­yang Phisgoc ang kanilang istraktura sa dating set-up na ginawa noong 1991 kung saan nagtatag ng Manila SEA Games Organizing Committee Foundation Inc. (Mansoc), at noong 2005 kung saan nagtayo rin ng Philippine SEA Games Organizing Committee Foundation Inc.

Para sa kaalaman ng mga senador, si Presidente Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos na hindi maaaring hawakan ang organizing committee ng isang ahensiya lamang maging PSC o POC man ito.

Alam naman natin si Pangulong Digong. Allergic siya sa katiwalian kaya sa ganitong paraan ay mas masisiguro na maiiwasan ang iregularidad dahil kung mas marami ang miyembro ng committee, mas magkakaroon ng check at balance.

Sa pamamagitan ng organizing committee, magkakaroon ng ‘multi-sectoral’ approach sa pagdaraos ng SEA Games kung saan ang iba’t ibang sektor tulad ng kabataan, atleta at national sports associations ay mabibigyan ng boses at partisipasyon.

Itapon na po ‘yang pamumulika. Kaya hindi tayo makausad nang bongga eh dahil diyan eh. Move on na po tayo.