Lahat nagsasalita; kaniya-kaniyang diskarte para mapansin sa mainstream at social media; paga­lingan sa soundbite; lahat bida ang projection kada bitaw ng kataga sa biglaang paglibing ng mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Mapakakampi, kalaban sa partido o kasama sa al­yansa, iisa ang bukada kapag kaharap ang camera – binabatikos ang desisyon ng Korte Suprema at halos sumpain lahat ng mahistradong bumoto pabor sa pag­lilibing ng yumaong diktador at ama ng Martial Law.

Lahat ng kontra, pinapalabas na kasalanang lahat ng Korte Suprema at silang kalaban ni Marcos ang tama – isyung dapat ihiwalay dahil ang puno’t dulo ng kwento, hindi ang mahistrado kundi kung sino ang bumuhay at nagbigay ng katuparan sa matagal nang pangarap ng pamilya ni Macoy.

Sabihin nating si Pangulong Rodrigo Duterte ang huling may ‘say’ sa paglibing kay Macoy at idinaan lamang sa ligal ng Korte Suprema ang plano – ma­laking tanong ngayon, ano ang gagawin ng mga ‘pulahan’ sa gabinete na nangungunang bumabatikos sa boto ng mga mahistrado?

Kaliwa’t kanang batikos at buladas sa mainstream at social media ang ginagawa ng makakaliwang grupo, halos sumpain ang mga mahistrado, never mind ang Marcoses dahil kasumpa-sumpa naman ang Martial Law, subalit hindi magawang magdesisyon kung mananatili pa sa poder ni Pangulong Digong.

Hindi lang sandamakmak kundi sangkatutak ang mga ‘pulahan’ at kaalyado ng komunistang grupo na naglipana sa administrasyon ni Digong, marami ang nakapwesto sa mga sensitibong posisyon kaya’t nakakatawang isiping ‘kinakahulan’ ang paglibing kay Macoy gayong kabahagi o parte ng gobyerno ang mga ito.

Ang malinaw, propaganda lamang ang pagsangkalan sa 16 milyong botong nakuha ni Digong nakaraang eleksyon para palabasing pabor ang nakakaraming Pilipino sa paglilibing kay Macoy dahil kung ibabase sa boto, aba’y nasaan ang 35 milyong botante na hindi sumuporta sa Pangulo – hindi ba’t mas mayorya ang mga ito?

Sa simula ng kampanya hanggang maupo sa ­Palasyo – si Digong ang may gustong ipalibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ito’y hindi ­lingid sa kaalaman ng mga makakaliwang grupo, partikular ng Bayan Muna at iba pang kaalyadong organisasyon ­pero sumama pa rin sila sa laban nito.

Kalokohan kung itatanggi ng militanteng grupo na sila’y kabahagi sa presidential campaign at pagbuo sa propaganda ni Digong dahil malinaw ang kanilang partisipasyon at paghirit ng mga posisyon sa gobyerno. Ang tingin nga ng ilang political analyst, kundi sa propaganda ng kaliwang grupo, hindi mananalo si Digong.

Kaysa magmukhang ‘kapit-tuko’ sa puwesto at maakusahang nag-i-enjoy sa mga perks ng gobyerno o nagustuhan ang mga benepisyo dahil ‘namantikaan’ ang labi ng mga ito, bakit hindi mag-resign sa kani-kanilang posisyon kung hindi nagustuhan ang pag­libing kay Macoy? Ika nga ni Mang Gusting, “‘wag puro dada.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)

One Response