Umaasa si Vice President Leni Robredo na matutuloy ang debate sa pagitan ng mga opposition at administration senatoriable para malaman ng taumbayan ang posisyon ng mga kandidato sa tunay na isyu at hindi lamang idaan sa pagsasayaw o pagkanta ang pangangampanya.
“Ako, sana matuloy. Dahil iyong mga debate naman, ito iyong pagkakataon para makita ng mga botante side by side iyong mga kandidato at maintindihan kung saan sila tumatayo pagdating sa mga issues,” pahayag ni Robredo sa isang pagtitipon sa Dasmariñas, Cavite.
Ani Robredo maliban sa pagpapakita ng talento sa entablado, mahalaga na alam ng taumbayan kung ano ang magagawa at gagawin ng mga kandidato sa ora na mailuklok sa puwesto.
“Kasi kung hindi debate, paminsan dinadaan sa kanta, dinadaan sa sayaw. Parang napakahirap botohan iyong kandidato na hindi mo alam kung saan siya tumatayo pagdating sa mga mahahalagang issues na kailangang harapin,” dagdag pa nito.
Noong Lunes ay naghintay ang mga senatoriable ng Otso Diretso sa kanilang mga kapwa kandidato mula sa Hugpong ng Pagbabago para sa isang debate sa Plaza Miranda sa Quiapo pero walang humarap sa kanila.