Nasasayangan ako sa mga binaklas na mga tarpaulin, poster at iba pang campaign materials sa unang sigwada ng kampanya.
Sa Maynila pa lang ay talaga namang gabundok ang taas ng mga posters na tinanggal ng mga tauhan ng City Engineering ­Office ng Maynila.

Ang sabi walang sini-sino ang mga tauhan ng City hall, lahat ng pasaway binaklas nila ang campaign materials.

Wala tayong isyu sa ginawang ito ng mga taga-City Hall pero puwede bang makialam naman ang Commission on Election (Comelec) sa pagbaklas?

Huwag namang puro propaganda. Mag-aanunsyo na ­kesyo bawal ito, bawal iyon pero hanggang sa press release lamang at social media mo mababasa kaya ang resulta, patigasan ng ulo ang mga kandidato at kanilang mga bataan sa pagkakabit kung saan-saan ng mga campaign paraphernalia.

Maging makatotohanan naman sana ang Comelec sa kanilang mga sinasabi, para naman may dating sa mga kandidato.

Speaking of kandidato, naagaw ang aking atensyon sa guesting kamakailan ni Senatoriable Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa sa UNTV show ni Ka Daniel Razon.

Pak na pak ang mga sinabi niya lalo na patungkol sa senaryo sa mga panahong ito sa kalsada.

Sabi nga niya, minsan daw ay may biglang lalapit at ya­yakap sa kanya at magpapasalamat dahil sa nagawa ng gobyernong Duterte.

Kuwento ni Bato, Malaki raw ang pinag-iba ng sitwasyon ngayon.

Tsika kay Bato ng lumapit sa kanya noon daw ay takot na takot silang maglalabas dahil nagkalat ang masasamang-loob.
Pero ngayon wala na raw silang nararamdamang takot.

Kabaligtaran daw ng dating sitwasyon bago naupo si Duterte at si Bato sa Philippine National Police (PNP).

Noon, nagtatago kami sa loob ng bahay, ayaw naming lumabas sa kalsada. Nga­yon baligtad na, kami na ang nasa kalsada dahil ang mga adik nagtatago na sa bahay dahil baka makita ng pulis.

Sang-ayon ako sa obserbasyon ng mga lumalapit kay Bato. Maging sa aming lugar ay kampante na akong nagpapakalat-kalat kahit dis-oras ng gabi.

Ibig sabihin, hindi maitatago ang katotohanang nabago talaga ang sitwasyong panseguridad sa ilalim ng administrasyong Duterte at siyempre dahil sa kontribusyon ni dating PNP chief Bato.

Kung positibo ang dating ng mga nagawa ng administrasyong Duterte, aba’y mapapatunayan ito kapag nakalusot sa Senado si Gen. Bato.