Puspusan ang pagtutok ngayon ng gobyerno sa mga negosyante bukod sa lugar at mga residente na apektado ng bird flu outbreak.
Sa kasalukuyan ay masusing binabantayan ng Malacañang ang kalidad at presyo ng mga poultry products sa mga pamilihan kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture (DA) na libu-libong manok ang dinapuan ng avian flu sa Pampanga.
Gayunpaman ay kumpiyansa ang Palasyo na mabilis ang pag-aksyon ng DA para mapigilan ang paglaganap ng virus.
Kaugnay nito ay tiniyak ng Malacañang sa publiko na walang magaganap na pagtataas ng presyo ng karne ng manok sa merkado sa dahilang isang lugar lamang naman ang apektado ng avian flu.
Gayundin ay titiyakin ng gobyerno na hindi kontaminadong chicken meat ang maibebenta sa merkado.
Ang ganitong klaseng aksyon ang kailangan ng publiko mula sa gobyerno, hindi lamang ang matamang pagbabantay sa pamamagitan ng pinahigpit na seguridad sa pagpasok sa lugar kung saan naitala ang unang kaso ng bird flu sa Pampanga.
Dapat talagang sanib-puwersa ang pamahalaan sa ganitong sitwasyon upang hindi nagiging matindi ang epektong hatid sa lahat.
Batid naman natin na ang ganitong sitwasyon ang kadalasang sinasamantala ng ilang tiwalang negosyante para kumita ng mas limpak-limpak na salapi at hindi na isinasaalang-alang ang kalusugan ng mga kababayan.
Huwag nating hayaang gamitin ng ilang tiwaling negosyante ang sitwasyon para magsamantala imbes na mag-alala sa kalagayan ng mga kababayan nating apektado ng virus.