Wagas na pagmamahal

Pulang-pula na naman ang ating kapaligiran na isa sa simbolo ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day bukod pa sa hugis puso na kung anu-anong bagay na inireregalo sa ating mga minamahal sa isa sa espesyal na araw sa buong mundo.

Dahil ipinagdiriwang sa buong mundo, hindi lamang ng isang magkapareha, mag-asawa, magkasintahan at ng kahit sinumang magrelasyon ay naging komersyal na ang paggunita sa Valentine’s­ Day.

Kaya naman kasabay ng paggunita ng buong mundo sa Araw ng mga Puso ay sandamakmak din ang pakulo ng iba’t ibang mga negosyong sumasakay sa selebrasyon ng espesyal na araw na ito.

Sapagkat umiral na ang komersyalismo ay napakaimportante ng pera sa bawat isa para lamang maipagdiwang ang Valentine’s Day.

Masyado nang malayo sa dating nakasanayang pagbabatian ­lamang at pagbibigayan ng pulang rosas na mula sa hardin ay nairaos na ang Araw ng mga Puso.

Hindi natin sinasabing hindi ito tama pero mas masarap ipagdiwang ang ganitong okasyon ng payak at hindi iyong binibigya­n ng sakit ng ulo ang sarili sa paghahangad na makapagbigay ng mamahaling regalo para magpasikat sa ating mga karelasyon gayong­ masyado namang limitado ang ating budget lalo na’t sa panahon ngayon ay napakaraming gastusin.

Nagtataasan ang presyo ng serbisyo, gaya ng singil sa kuryente.

Ang sa amin dapat ay simulan natin sa ating mga sarili ang ­paggunita sa Araw ng mga Puso nang payak at walang luho.

Ating pakatandaan na wala nang mas hihigit pang regalo tayong­ maaaring ialay ngayong Valentine’s day sa ating mga minamahal kung hindi ang ating wagas na pagmamahal.