Kulungan ang bagsak ng isang waiter matapos malambat sa ikinasang buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Barangay Santolan, Pasig City.

Nakilala ang suspek na si Raymond Antonio y Flores, 40-anyos, kasama sa listahan ng Pasig City drug watch list.

Inaresto ang suspek alas-dos Linggo ng madaling-araw sa kahabaan ng Tawiran Ext., Brgy. Santolan, makaraang isagawa ng mga tauhan ng Pasig Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation matapos ang mahigpit isang linggong surveillance sa suspek.

Agad na dinampot ang suspek makaraang ibigay ang droga sa isang pulis na umaktong buyer at nakumpiska mula sa suspek ang apat na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P27,200.00 at P300.00 buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o illegal drugs act. (Vick Aquino)