Hindi magtatagal at may hihirangin na si Pa­ngulong Rodrigo Duterte bilang opisyal na kapalit ng kontrobersyal na si dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde.

Tulad ng inaasahan, ‘yung mga next in line ay kanya-kanya ng pasiklaban para magpapogi sa Pangulo.

‘Yung iba namang wala sa listahan ng mga susunod sa trono ng PNP ay gumagapang na. PM is the key ang diskarte nila sa mga maimpluwensya nilang kunek para maingat, este maibulong sila sa Presidente.

Hindi nga naman masama ang mangarap. Malay nila, makursunadahan sila ng Presidente at walang kaabog-abog eh sila na ang sasaluduhan sa Camp Crame.

Noong Biyernes, napulutan sa Dos Por Dos program ng mga kasamahan natin sa hanapbuhay na sina Anthony Taberna at Gerry Baja ang dalawa sa mga matutunog na contender sa pagiging PNP chief.

Sa takbo ng kanilang diskusyon, malabo pa sa sabaw ng pusit na isa sa mga heneral na ito ang kanilang mamanukin eh.

In short, wala silang kakabigin dahil pareho nilang itutulak ang mga ito palayo sa upuan ng PNP chief.

Paano ba naman, ang isang contender daw ay may history na nagpapakawala ng mga drug suspect na may kapalit na sandamakmak na salapi.

Nangyari raw ito nu’ng hepe pa ito sa isang siyudad sa Metro Manila. Tsk, ekis agad ito sa listahan ng Pa­ngulo.

‘Yung pangalawa naman daw ay kila­lang binabae sa PNP organization. May mga kuwento pa nga raw na muntikan na itong maireklamo ng sexual abuse sa mga plebo na underclass niya noong nasa akademiya pa siya.

‘Wag na rin itong umasa dahil suklam si Pangulong Digong sa mga nang-aabusong beki. Aba eh baka maalala pa ng Pangulo ang naging karanasan niya noong estudyante pa siya at lalong malintikan itong opisyal na may berdeng dugo.

Kaya kung sino man ang mga nililigawan ng dalawang ito para maibulong sa Presidente, aba eh mahiya naman kayo, este mag-isip-isip naman muna kayo.

Hindi pa nga nakaka-recover ang PNP sa kahihiyang ikinakabit kay Albayalde eh eto naman tayo sa dalawang opis­yal na ito.

Sa isang banda, testingin kaya natin ang delicadeza ng dalawang ito? Hindi kaya mas dapat mag-waive na itong dalawa o magbitaw na sa pagkakandidatura na mag-PNP chief? Sige na mga sir, waive na kayo please lang po.

Mga matitino naman sana ang pumuwesto sa PNP. Magkatotoo man lang ang slogan ng pulisya na ‘To serve and protect’.