Wakas ng 6-taon pagtatago ng No. 1 most wanted ng Valenzuela city

TUGIS: Part 2

Sa panayam ng ­TUGIS kay Alfredo ­Dimas Jr., ang 42-­an­yos na nakatatandang kapatid ni Domingo, sinabi niya na mistulang nabalian sila ng dalawang pakpak nang mapatay ang kanilang bunsong kapatid.

Higit aniyang na­apektuhan nang labis ang kanilang inang si Corazon sa pagpanaw ng kanilang kapatid lalu na’t bukod sa kanyang anak na si Jericho James, silang mag-ina ang magkasama sa tinitirhang bahay sa 283 Villa Martha Subdivision, S. De Guzman Street, ­Barangay Parada, Valenzuela City.

Hindi rin kinaila ni Alfredo ang tunay na katauhan ng kanyang kapatid bilang isang bina­bae o bakla bagama’t hindi aniya ito na­ging hadlang upang gampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin bilang kawani ng ­lokal na pamahalaan at isang mabuting anak at kapatid.

Bagkus, ang kanyang pagiging binabae pa nga ang naging daan upang dumami ang kanyang mga kakilala at kaibigan, hindi lamang sa kanilang lugar sa Villamarta Subdivision kundi maging ang iba pang kawani ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Alfredo, menor de edad pa ang kanyang kapatid na si Domingo nang makilala sa Barangay Parada dahil sa dami ng kanyang mga naging kaibigan sa lugar kaya’t hindi nakapagtataka ang magaan niyang pagwawagi nang tumakbo bilang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa ilalim ng pamumuno ni ­Barangay Chairman Moises Beltran.

Bilang isang SK chairman, mahusay na nagampanan ni Domingo ang kanyang tungkulin at ang kanyang pagiging aktibo sa barangay ang naging daan upang makilala siya ni Vice Mayor Lorena Natividad-Borja na noon ay isang konsehal ng lungsod ng Valenzuela.

Hindi naitago sa kaalaman ng konsehala ang angking sipag at talino ni Domi­ngo kaya’t siya mismo ang nag-alok ng trabaho rito na maging isa sa kanyang mga office staff, na hindi naman tinanggihan ng huli, lalu na’t paglilingkod lamang talaga ang pakay niya kaya’t naisipang tumakbong SK chairman at hindi sa maliit na halagang tinatanggap bilang honoraria.

Nang magsimulang maglingkod bilang staff ng konsehal si Domingo, dito niya lubos na ipinamalas ang kanyang kasipagan at ang­king talino kaya’t nakuha niya ang loob, hindi lamang ng konsehala kundi maging ang mga kasama niya sa trabaho.

Dahil dito, hindi lamang bilang isang ordinaryong office staff ang naging trabaho ni ­Domingo kundi siya na rin ang naging personal assistant ng konsehala at pinagkakatiwalaan sa lahat ng mga gawaing kapaki-pakinabang sa mamamayan ng lungsod.

Si Domingo rin ang naging daan upang makapasok ang kanyang nakatatandang kapatid na si Alfredo bilang traffic enforcer sa Traffic Management Office ng Valenzuela City noong taong 2004 na hanggang sa kasalukuyan ay kanya pa ring ginagampanan.