Part 7

Sa pag-aakalang magnanakaw, muli siyang kinuyog at tinangkang gulpihin subalit dahil matipuno ang pa­ngangatawan, nagawa pa ring makatakbong palayo ni Johnny Bravo hanggang tuluyanNng makatakas.

Habang hinahabol ng kalalakihang kapitbahay ang salarin, inakyat naman ni Jericho, kasama ang iba pang kalalakihan, ang kanyang tiyo at inabutan nila ang agaw-buhay at nakahandusay nitong katawan kaya’t hindi na sila nag-aksaya pa ng panahon at isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center.

Gayunman, sa kabila ng pagnanais ng mga manggagamot na isalba pa ang buhay ni Domingo, idineklara rin siyang dead-on-arrival sanhi ng napakaraming tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na ang pinaka-grabe ay ang malalalim na saksak sa leeg.

Nang makarating sa kaalaman ng pulisya ang pangyayari, kaagad na nagtungo sa lugar sina SPO2 Ronald Bautista, SPO1 John Espiritu, PO3 Felix Viernes at PO2 Valmark Funelas ng Valenzue­la Police Station Investigation Unit (SIU) upang magsagawa ng pagsisiyasat.

Sa pang-unang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pagnanakaw ang pakay ng salarin dahil nawawala ang mga gamit nito kabilang ang dalawang unit ng Samsung Galaxy S3 na may kabuuang halagang P30,000, Samsung mobile phone na may halagang P4,000, tatlong remote control ng kanyang flat screen television, satellite cable at Samsung theater, isang itim na back pack at ang P50,000 cash.

Inimbitahan naman ng mga imbestigador si Jericho James, pati na ang mga testigong sina Arnold Mañalac, 34, tricycle driver at Dianelo Catalan, 36 factory worker na kabilang sa mga kala­lakihang hiningan ng tulong at humabol sa salarin.

Sa pahayag ni Jericho kay PO3 Felix Viernes, kilala lamang niya sa mukha ang salarin dahil nakikita niya itong nagtutungo sa kanilang bahay at kainuman ng kanyang tiyo subalit hindi aniya niya alam ang pangalan ng lalaki.

Gayunman, nang iguhit na ng sketch artist ang facial composite ng salarin sa pamamagitan ng ibi­nigay na kaanyuan ng mga testigo, madaling nakilala ng mga kaibigan ni Domingo si Johnny Bravo na siyang gumawa ng krimen lalo na’t sila pa ang naging daan upang magkakilala ang dalawa dahil na rin sa masidhing pagnanais ng biktima.

Labis naman ang panghihinayang at panlulu­mo ni Konsehal Lorena Natividad-Borja nang malaman ang malagim na pangyayari sa kanyang pinagkakatiwalaang staff kaya’t hiniling niya kay Senior Supt. Wilben Mayor, na noon ay siyang chief of police ng Valenzuela city, ang agarang pag-TUGIS kay Johnny Bravo.
Nang mabigo ang kapulisan na madakip kaagad ang pangunahing salarin, isinampa na nina SPO2 Ronald Bautista, SPO1 John Espiritu, PO3 Felix Viernes at PO2 Valmark Funelas ang kasong robbery with homicide sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban kay Johnny Bravo na ang tunay na pangalan ay Roberto Lescoton Givera.