Hindi maikakaila na malaki ang naitutulong ng media sa mga law enforcement agencies ng pamahalaan lalu na sa paglutas sa mga nangyayaring krimen, bukod pa rito ang makabagong teknolohiya ng internet na higit na nakapagbibigay ng mabilis na impormasyon sa mga kinakailangang detalye.
Nagiging mabilis ang pagkalap ng impormasyon, hindi lang ng mga nagpapatupad ng batas kundi ng mga taong nagnanais tumulong sa kapulisan, lalu na sa mga nagsasagawa ng pag-TUGIS sa mga taong nakagawa ng krimen.
Malaking tulong din ang naia-ambag ng mga namumuno sa isang komunidad partikular ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan, maging lungsod man o munisipyo, pati na rin ang mga halal na opisyal ng barangay sa pagbibigay ng impormasyon sa kapulisan.
Sa mga taong naninirahan sa malalayong lugar tulad ng sa rehiyon ng Mindanao, hindi pa sila lubusang kinakitaan ng interes sa mga nangyayari sa kalungsuran bagama’t nababasa nila ito sa mga pahayagan, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon.
Sa mga matatalinong nakagawa ng krimen, higit na nagiging madali para sa kanila ang magtago at umiwas sa pag-TUGIS ng batas sa malayong lugar kung saan walang sinuman ang nakakakilala sa kanya, sa lugar na kanyang pinanggalingan o anuman ang kanyang nagawang kabuktutan.
Pero sabi ko nga, pansamantala lang ‘yan dahil hindi habang panahon kayong makapagtatago sa batas.
Isa na rito ang nangyaring pagdakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police kay Roberto Lescoton Givera, ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang kawani ng lokal na pamahalaan ng lungsod na nangyari may anim na taon na ang nakararaan.
Ang biktima, si Domingo Dimas, 36, office staff at isa sa malapit at pinagkakatiwalaang tauhan ni dating Valenzuela City councilor at ngayon ay Vice Mayor Lorena Natividad-Borja.
Isang mahusay at maaasahang kawani si Domingo kaya’t sa halos 11-taon niyang panunungkulan bilang office staff, siya ang naging paboritong empleyado ni Konsehal Natividad-Borja at pinagkakatiwalaan sa lahat ng mga gawain at aktibidad ng konsehala.
Hindi lamang bilang kawani ng lokal na pamahalaan naging isang mabuting tao si Domingo dahil kahit siya ang pinaka-bunso sa walong magkakapatid na anak ng mag-asawang Alfredo Sr. at Corazon, siya ang tumayong “bread winner” o tumutustos sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Bagama’t tanging si Corazon na lamang ang nagtaguyod sa walo nilang anak sanhi ng maagang pagpanaw ng kabiyak na si Alfredo Sr., hindi naging pabigat sa ginang ang pagpapa-aral kay Domingo bunga na rin ng angkin niyang talino kaya’t nabiyayaan siya ng programa ng pamahalaan bilang iskolar sa Valenzuela City Polytechnic na kilala bilang “Val Poly” na malapit din lamang sa kanilang tirahan sa Brgy. Parada, Valenzuela City.