Part 5
Ginamit din ni Domingo ang mga malalapit niyang kaibigan na laging nakaka-inuman ni Johnny Bravo upang makuha ang numero ng cellular phone ng lalaki kaya’t bukod sa magkaibigan na sila sa facebook, naging magka-textmate rin sila nito.
Nang malaman ng kanyang mga malalapit na kaibigan ang mga ginawang paraan ni Domingo upang magkaroon sila ng komunikasyon ni Johnny Bravo, naisipan nila na bilang regalo sa nalalapit na kaarawan nito ay gagawa sila ng kaukulang hakbang upang ipakilala sa kanya ng personal ang lalaki.
Nang magdiwang ng kanyang ika-36 na taon kaarawan noong Setyembre 20, 2012 si Domingo, isa sa pinakamahalagang regalo na natanggap niya ay ang makilala ng personal si Johnny Bravo sa tulong na rin ng kanyang mga malalapit na kaibigan.
Kinumpirma ito ng kanyang nakatatandang kapatid na si Alfredo Jr. sa ginawang panayam sa kanya ng TUGIS at idinugtong niya na bagama’t hindi niya personal na kilala si Johnny Bravo, nalaman niya sa ilang kakilala na isa itong call boy.
Mula ng maging magkaibigan ang dalawa, palagi ng iniimbitahan ni Domingo si Johnny Bravo sa tuwing magkakaroon sila ng pag-iinuman ng mga kaibigan sa loob ng kanyang bahay.
Bagama’t nadaratnan pa paminsan-minsan ng pamangkin ni Domingo ang kanyang tiyuhin habang kainuman ang mga kaibigan kapag dumarating siya sa bahay mula sa pinapasukang pamantasan, hindi naman niya inuusisa ang pangalan ng lalaki lalo na’t batid niya na bukod kay Johnny Bravo ay kasama rin sa inuman ang iba pang kaibigan ng kanyang tiyo.
Ang hindi lang batid ni Jericho James, may namamagitan na pala sa dalawa na humahantong pa sa kanilang pagtatalik sa loob mismo ng silid ni Domingo sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan.
Hindi naman umaalis si Johnny Bravo ng hindi siya inaabutan ng salapi ni Domingo kapag natapos na ang kanilang pagtatalik bagama’t may pagkakataon na humihirit pa siya ng mas malaking halaga na hindi naman tinutugunan ng huli.
Buwan ng Nobyembre ng taong 2012 nang payagan ni Konsehal Lorena Natividad-Borja si Domingo at isa pa niyang staff sa hirit na makapagbiyahe sila patungong Hong Kong upang makapagliwaliw.
Kasama ng dalawa ang isa pang matalik na kaibigan at kababata ni Domingo na si Crizaldo sa pagtungo sa Hong Kong bilang mga turista. Mula sa pagkabata kasi ay naging malapit na magkaibigan na sina Crizaldo at Domingo hanggang maging magka-klase pa si Val Poly.
Naging malapit din si Domingo sa asawa at mga anak ni Crizaldo na itinuring nilang kaanak lalo pa’t sa iisang lugar lamang sila lumaki. (EDISON REYES
)