Madali niyang napapasok ang loob ng bahay sa dis-oras ng gabi kung saan inaakala niyang mahimbing ng natutulog ang mga naninirahan at malaya niyang natatangay ang mga gamit na karaniwan ay cellular phone, alahas at salapi.
Kalaunan ay tinatangay na rin ni Edison maging ang malalaking gamit tulad ng flat screen television set, cassette recorder at gadgets at nagagawa niyang maibenta ang mga ito sa murang halaga.
Gayunman, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagtatagumpay si Edison sa kanyang ginagawang pagnanakaw dahil noong taong 2008, nadakip siya ng mga tauhan ng Malabon city police, sa tulong na rin ng mga opisyal ng barangay sa kasong pagnanakaw.
Matapos ang siyam na buwang pagkakakulong sa Malabon City Jail, muling bumalik sa dating gawi si Edison makaraang lumaya at higit pang naging mabangis dahil ginagawan na niya ng kahalayan ang sinumang matitipuhan niyang babae sa pinapasok na kabahayan.
Sa panayam ng TUGIS kay Edison, sinabi niya na hinihipuan lang niya ang maseselang bahagi ng babaeng madaratnan niya sa pinapasok na bahay subalit hindi umano niya naitutuloy ang panghahalay.
Ayon sa kanya, wala siyang dala anumang uri ng armas sa tuwing papasukin niya ang target na pagnanakawan at sa loob na lamang ng bahay siya maghahagilap ng patalim na gagamitin sa panahon ng kagipitan.
Dahil nakatikim na ng kulungan, naging maingat na sa mga sumunod pang pagpasok sa mga kabahayan na kanyang pagnanawakan si Edison at tinitiktikan muna ang bahay na papasukin bago isagawa ang operasyon.
Gayumnan muli siyang nadakip ng kapulisan nang pasukin niya ang isang bahay sa mismong kabayanan ng lungsod ng Malabon at dahil batid ng pulisya na marami na siyang naging biktima, tinutukan ng husto ng tagausig ang kanyang kaso upang matiyak na pagbabayaran niya ang nagawang kabuktutan.
Nang dinggin ang kanyang kaso sa sala ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Edison Quintin, hinatulan siyang mabilanggo ng mula anim na taong “prison correccional” hanggang siyam na taon “prison mayor” sa kasong robbery with force upon things.
Habang nasa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa city, umanib si Edison sa grupo ng “Sputnik Gang” sa paniwalang ang grupo ang magbibigay sa kanya ng proteksiyon upang hindi “matakalan” o mapahirapan ng mga kapuwa niya bilanggo.
Matapos ang lima at kalahating taon, muling nakalabas ng piitan si Edison noong Setyembre 22, 2015 matapos i-kredito sa kanyang pagkakapiit ang magandang asal na ipinamalas habang pinagsisilbihan ang sentensiya laban sa kanya.
Sa halip na ipasiyang bumalik na lamang sa kanilang lalawigan, minabuti ni Edison na manatili sa bahay ng kanyang tiyahin sa Barangay Longos sa Malabon city sa halip na manirahan sa tinutuluyang bahay ng kanyang dalawang kapatid sa Tondo, Manila.
Nagpasya rin kasi ang dalawang nakababatang kapatid ni Edison na sina Jay-ar at Enelin na makipagsapalaran sa lungsod at nakakuha ng mauupahang bahay sa Quirino St., Tondo.
Sa panayam ng TUGIS kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, luminya ng Maynila sa kanyang pagnanakaw si Edison matapos magkaroon ng kakosa sa bilibid na tulad niya ay bihasa rin sa pagnanakaw.