Hugas-kamay si Philippine Superliga president Ramon Suzara sa mga alegasyon na siya ang dahilan kaya hindi nakakuha ang Premier Volleyball League ng international transfer certificates ng kanilang foreign pla­yers para maglaro sa Reinforced Conference.

Responsibilidad umano ng PVL na kumuha ng ITCs, buwelta ni Suzara na miyembro ng International Volleyball Federation (FIVB) at chairman ng Marketing and Development Committee ng Asian Volleyball Confederation.

Dapat umano ay alam ni PVL president Richard Palou ang tungkol sa 58-page Electronic International Transfer Procedure Manual ng FIVB.

Base sa manual, ang transfer ng PVL imports ay hindi dapat saklaw ng ITC period ng Oct. 15, 2016 hanggang May 15, 2017. Nagsimula ang PVL Reinforced Confe­rence noong April 30, 2017 – nasa labas ng ITC release period base sa FIVB regulation.

Sa kabilang banda, sinabi ni Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. president Joey Romasanta na nasa 25 E-mail requests ang ipinadala sa FIVB para madaliin ang proseso ng ITCs ng PVL imports.

Nakuha ng LVPI ang ITCs ng limang Thai pla­yers noong May 3, pina­yagan din ng FIVB ang release ng isang Japanese player noong May 12 para maglaro sa PVL. Wala pang imports ang ibang PVL teams gayong nasa kalagitnaan na ang torneo nila.

Ipinarating din umano ni Suzara kay Palou ang consequence ng paglilipat ng PVL Reinforced mula season-ending (tulad ng ginagawa sa PSL Grand Prix) na magiging season-opening dahil magkakaproblema sila sa ITCs.

Sinusunod daw ng PSL ang AVC at FIVB rules at calendar, naninigurong may ITCs na ang kanilang foreign pla­yers bago pa dumating ng bansa.

“Either Palou was unaware of that calendar, which is well known among professionals and serious volleyball officials or just chose to ignore it hoping that the LVPI or I would pressure the FIVB to exempt the PVL from the FIVB’s sacred rules,” dagdag ni Suzara.

Humingi rin si Suzara ng public apology mula kina PVL players Dzi Gervacio, Charo Soriano, Amanda Villanueva at Bea Tan dahil sa paggamit daw ng mga ito sa social media para akusahan siyang dahilan ng delay sa release ng ITCs ng PVL imports.