Mabuti naman at nabigyang-pansin ng Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) ang problema sa baha na dinaranas sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila kahit walang bagyo at mahina­ ­lamang ang pag-ulan.

Kung matatandaan ang atensyon ng gobyerno mula sa national at local level ay halos nanatili at napokus na lamang sa problemang ­hatid ng masikip na daloy ng trapiko.

Kaliwa’t kanang solusyon ang inilalatag para maibsan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko pero nananatiling bigo ang ating gobyerno sa pangunguna ng MMDA.

Kaya tama lamang na pagtuunan din ng atensyon at aksyunan ng MMDA ang iba pang perwisyong dinaranas sa Metro Manila kabilang ang pagbaha.

Sa ganang amin, marapat lamang na hindi lamang pagtugon sa problema ng trapiko sa Metro Manila ang tinututukan ng pamahalaan kundi maging ang problema ng pagbaha dahil nagdudulot din ito ng perwisyo sa publiko.

07-29-2016-floodKaya sang-ayon tayo sa naka­takdang pagdagdag ng 25 pumping stations na itatayo sa iba’t ibang panig ng Metro Manila sapagkat malaking tulong ito upang matugunan ang pagbaha sa ­Metro Manila tuwing panahon ng tag-ulan.

Bagama’t may 53 pumping­ stations na ang nag-operate makakatulong pa rin ang karagdagang 25 para mas mapabilis ang pagbaba ng tubig-baha tuwing panahon ng tag-ulan.

Pero sana hindi lamang pagdadagdag ng pumping stations ang tutukan ng MMDA kundi maging ang pagmantine sa mga ito upang sa gayon ay mapakinabangan pa ang mga ito ng mas mahabang panahon.