Wala munang huli sa Angkas, JoyRide

Tiniyak ni Senador Bong Go na wala munang aa­restuhin na motorcycle taxi kahit na idineklara itong iligal o kolurum ng Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transporation (DOTr).

Sa panayam kay Go, sinabi nito na pumayag sina DOTr Secretary Arthur Tugade, LTFRB Chairman Martin Delgra III sa kanyang kahilingan na huwag magpatupad ng pag-aresto simula sa susunod na linggo.

“Kinausap ko kanina si Secretary Tugade pati si Chairman Delgra pati ‘yung technical working (group) kung pwede i-extend muna ‘yung operations nila,” sabi ni Go, sa panayam ng mga reporter.

Samantala, hinikayat ni Senadora Grace Poe ang ilang stakeholder na maghain ng kaso laban sa technical working group ng DOTr kung hindi nila itutuloy ang pilot study ng mga motorcycle taxi.

Ang tinutukoy ni Poe ay ang rekomendasyon ng TWG na i-terminate ang pilot program ng mga motorcycle taxi na Angkas, JoyRide at Move It.

“Napasubo sila sa atin ngayon dahil gagawa-gawa sila ng desisyon na sususpendihin na nila o tatanggalin na nila ‘yung pilot program tapos huhulihin nila ‘yung mga riders next week, anong alternatibo nila? Alam nila mali ‘yang desisyon na ‘yan,” pahayag ni Poe matapos ang pagdinig kahapon sa panukalang i-regulate ang mga motorcycle taxi sa bansa.

“Hindi talaga pinag-isipan (recommendation). Nakita nyo naman hindi makasagot kanina. Sabi nila kaya raw kinansel dahil ang main concern daw is safety.

“Pero kaya nila kinansel is because they can’t get data from government agencies which we were able to refute because we have a copy of the data,” ayon pa sa senadora.

Sa kabila ng hakbang ng TWG, sinabi ni Poe na magpapatuloy pa rin sila sa pagdinig para mapabilis ang pagpasa ng nasabing panukala. (Dindo Matining)