Ito ang hagulgol na pahayag kahapon ni Grace Castillo, 30, masahista, ng 1623 16th floor Central Park 2 Condominium, D Jorge St., Barangay 132, ng nasabing lungsod habang nakaburol ang kanyang anak na si Daisery, 12-anyos, na isa sa anim na nasawi sa pananaksak ng isang lalaki matapos sumugod sa nasabing condo.
Si Daisery ay isa sa anim na nasawi kabilang sina Emelyn Sagun y Sarmiento, 30, kasintahan ng suspek na si Alberto Garan, 39, ang beteranong mamamahayag na si Joel Palacios, Ligaya P. Dimapilis, 36, at si Lecticia Ecsiagan, 50, pawang mga naninirahan sa Central Park 2 ng nasabing lungsod.
Habang apat ang sugatan na sina Belcris Elorde, 24, room 002 16th floor, April Joy Sagarino, 20, pitong buwan buntis at si Margie Morales, 26 at patuloy pa ring nakaratay sa Pasay City General Hospital.
“Ang pangarap niya sa kanyang paglaki maging manager, pero hindi na ito mangyayari kasi nawala na siya” kuwento pa ni Ginang Castillo.
Sinabi pa ni Grace, si Daisery ay masipag mag-aral at aktibo sa mga extra-curricular activities sa kanilang paaralan.
Si Grace ay solo parent, may tatlong anak at ang panganay nito ay ang nasawing si Daisery, sinundan ng siyam na taong gulang na anak na lalaki at ang bunso nito ay nasa 8 taong gulang na babae.
“Siya lamang po ang inaasahan ko at nakakatulong sa akin sa gawaing bahay. Ayoko nang alalahanin ang lahat dahil napakasakit ang nangyari” dagdag ng ginang.
Ayon sa ginang, hindi siya makapaniwala na wala na ang kanyang anak simula nang mangyari ang malagim na trahedya sa kanyang anak.
“Paano na ito, wala nang gigising sa akin sa umaga, dahil siya ang laging nauunang gumigising sa umaga dahil maaga ang kanyang pasok sa eskuwela. Biro mo matutulog ka sa gabi, paggising mo sa umaga maalala mo na wala na ang anak mo.” Mangiyak-ngiyak na sambit ng ginang.
Sa ngayon ay humihingi ng tulong si ginang Castillo sa Pamahalaang Lungsod ng Pasay na tulungan siya sa pagpapalibing ng kanyang anak dahil sa wala naman itong perang pambayad sa puneraria.