Sa gitna ng mga protestang inilulunsad ng mga grupong tutol na malibing ang dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, hindi natitinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang desisyon hinggil sa Marcos burial.
Kabilang ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa mga nagpahayag ng pagtutol sa Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani at naglabas pa ito ng opisyal na pahayag sa isyu: “President Rody, we ask that you heal this festering wound.
Let this be your legacy. Please do not allow the burial of Mr. Marcos at Libingan ng mga Bayani. [He] does not belong in Libingan ng mga Bayani. He was not a hero.”
Nanindigan naman si Presidential Legal Adviser Salvador Panelo na walang nilalabag na batas ang Pangulo sa pagpayag nitong mahimlay ang mga labi ni Marcos sa Libingan na Bayani.
Pinaliwanag ni Panelo na base sa regulasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang paglilibing sa mga dating sundalo at pangulo ng bansa sa Libingan ng mga Bayani ay hindi nagtatangi kung mabuti man o masama ang isang dating pinuno ng bansa.
Kung ako ang tatanungin, mas mainam nang mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani para matapos na ang usapin at makaabante na ang lahat ng Pilipino sa mas mahalagang mga isyu ng trabaho, pabahay at libreng mga gamot at ospital.
Tama ang posisyon ng Malacañang na hayaan lang ang mga protesta laban sa Marcos burial sa Libingan pero hindi ito makakaapekto sa naging pasya rito ni President Rody.
Wala na dapat atrasan ang Malacañang sa paglilibing kay Marcos sa Libingan dahil hindi maganda sa imahe ng Pangulo kung bibigay siya sa pressure ng mga maka-kaliwang grupo kabilang na ang Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF).
Ginagamit nga ngayon ng grupo ni Albay Congressman Edcel Lagman ang pagbabago ng isip ni Duterte sa isyu ng Constitutional Convention ang pagbibigay ng posisyon kay Vice President Leni Robredo bilang mga halimbawa na puwedeng mabago ang desisyon ng Pangulo sa Marcos burial.
Naalala ko nga noong bagong upo pa lang sa Malacañang si President Joseph Estrada noong 1998 ay nagpasya na ito na payagan nang malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani pero agad itong umatras nang ulanin ng batikos mula sa mga grupong anti-Marcos.
Ang naging pag-atras ni Erap sa Marcos burial ang nakitang kahinaan nito na sinundan pa ng pagsuspinde sa death penalty law matapos bitayin sa ilalim ng kanyang administration ang child rapist na si Leo Echegaray.
Kaya tama lang na maging matigas si President Rody sa kanyang desisyon na mailagak na ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani nang sa gayon ay matuldukan na ang isyung ito at maka-move on na ang buong sambayanang Pilipino.