Wala nang extension sa SAP – DILG

Hindi na papaya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na palawigin pa ang May 10 deadline na ibinigay sa mga local government unit (LGU) para tapusin ang pamamahagi ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

“‘Yan po ang pahayag ni Secretary [Eduardo] Año na hanggang bukas [May 10] na lang ang deadline na binigay ng DILG,” ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

Matatandaang hanggang Abril 30 lamang ang deadline na ibinigay ng DILG sa mga LGU para sa distribusyon ng cash aid, ngunit dahil marami pang beneficiary ang hindi nabibigyan ng ayuda ay pinalawig ito ng hanggang Mayo 7.

Nagpasya naman si Año na muli pa itong palawigin hanggang sa Mayo 10 dahil na rin sa mga hamon na kinakaharap ng mga LGU sa mga lugar na maraming pamilyang naninirahan katulad sa National Capital Region, Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan, gayundin ang Cebu at Davao City.

Nagbanta naman si Año sa mga LGU na pagpapaliwanagin kung mabibigong maabot ang naturang deadline.

Samantala, iniulat naman ni Malaya na hanggang alas-nuwebe ng gabi noong Biyernes, Mayo 8, ay nasa 85.49% na ang payout rate ng cash subsidy sa buong bansa.

Nangunguna aniya ang Caraga Region sa mga lugar na nakatapos na ng cash aid distribution o may 100% na payout rate.

Sumunod ang Bicol Region na may 99.79% at Cordillera Administrative Region, 93.92%.

Sa Metro Manila ang payout rate ay nasa 75.62% pa lamang at nangunguna sa mabilis na distribusyon ang mga lungsod ng Caloocan (95.15%), Paranaque (91.28%), Mandaluyong (88.48%), Marikina (86.64%), at Pasig (85.56%). (Dolly B. Cabreza)