Katatapos lang ng Valentine’s Day, pero ilang mga kalalakihan ang bigo. Bakit daw wala na ang kanilang panggigigil? Bakit ayaw nang tumayo ng kanilang ‘yaman’?
Karamihan sa mga lalaki ng may erectile dysfunction ay nananahimik na lang. Nahihiya kasi silang pag-usapan ang kanilang sitwasyon. Kahit ang pagpunta sa doktor ay kanilang iniiwasan.
Ang nangyayari, nag-eeksperimento sila ng kung ano-anong paraan para mabuhay muli ang kanilang pagkalalaki.
Mayroong mga nagpapalagay ng implant sa kanilang ari para tumigas, o kaya ay gumagamit ng vacuum pump. Ang ilan naman ay nag-eeksperimento sa mga gamot at herbal medicines.
Pero kalaunan, nabibigo pa rin sila dahil hindi natutugunan ang pinanggagalingan ng problema.
Puwedeng hindi pala dumadaloy nang maayos ang dugo sa ari dahil sa sakit na diabetes, mataas na presyon ng dugo, barado ang mga ugat o may sakit sa puso. Kahit na may nararamdamang gigil ang lalaki, hindi pa rin nakakarating ang dugo sa kanyang ari dahil sa baradong ugat.
Maaari rin namang malaki ang prostate gland ng lalaki at nakakaapekto ito sa nerve na tumutulong sa pagtayo ng kanyang ari. Maaari ring trauma, aksidente o sugat na nag-iwan ng peklat sa urethra na tinatawag na Peyronie’s Disease ang dahilan ng problema.
Mayroon ding mga gamot na maaaring makaapekto sa ari ng lalaki tulad ng anti-depressants, appetite suppressants, sedatives, beta-blockers, at ulcer drug na tinatawag na cimetidine. At siyempre, malaking kontribusyon din ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.
Bukod sa pisikal na problema, kailangan ding malaman kung may bumabagabag sa isipan ng isang lalaki. Kahit maayos ang daloy ng dugo sa ugat, kung may nagpapagulo sa isipan nito, wala ring mangyayari.
Maaaring may intimacy problem pala ang isang lalaki at takot siyang makipagtalik. Malaki ring “downer” ang pag-iisip sa problema sa pera, pamilya at kung nakokonsensya o nagi-guilty.
Maraming pamamaraan ng panggagamot, ang kailangan lang ay kumonsulta sa doktor.
Sa mga namomroblema psychologically o sa pag-iisip, kailangang kumonsulta muna sa psychologist o psychiatrist.
Sa pisikal na problema, magpa-blood chemistry test at patingnan din ang ari sa isang urologist.
Ang importante, huwag mahiya, at huwag mag-eksperimento. Baka kasi ang katapusan, mas lalong lumala ang problema sa pagkalalaki.