Muling ipinaaabot ng Bureau of Customs (BOC) sa publiko na hindi na pinapayagan ang mga tauhan nito na inspeksyunin ang mga balikbayan boxes ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ang sinabi ni Commissioner Nicanor Faeldon kung saan ang polisiya sa mga balikbayan boxes ay nakasaad sa inilabas na Customs Memorandum Order 27-2015, na nilagdaan noong Setyembre 2, 2015.

“This CMO states that balikbayan boxes of OFWs­ shall not be subjected to random or arbitrary physical inspection, and instead shall only undergo mandatory x-ray scanning,” ayon sa BOC.

Ayon kay Faeldon, base sa Senate Bill 1168 na iniakda ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na Expanded Balikbayan Program, kabilang sa probisyon nito ang hindi pagbubukas ng balikbayan boxes.

Isinasaayos na rin aniya ng BOC ang implementing rules and regulations ng Customs Modernization and Tariff Act para tuluyang iimplementa ang bagong panuntunan sa tax exemptions sa balikbayan boxes.

“Pabayaan nyo na ang balikbayan boxes. Privilege ito ng OFWs, maganda ito para sa kanila. ‘Wag sanang bastusin ang batas,” sabi ni Faeldon.