Sa mga nakalipas na ilang taon, naging lubhang kaawa-awa ang Lungsod ng Maynila matapos mapag-iwanan nang milya-milya pagdating sa progreso at lahat ng positibong bagay na kaakibat nito.

Bukod sa wagas na kapabayaan, isa sa mga naiisip naming dahilan — ako sampu ng a­king mga kasamahang opis­yal — sa kinasapitan ng Maynila ay ang kawalan ng ugnayan ng lungsod sa national government at lahat ng mga departamento nito at mga ahensiyang nasa ilalim naman ng mga departamento.

Ke dahil man ‘yan sa politika o personal na kadahilanan o ano pa mang dahilan, hindi maikakaila na ang nagdusa sa huli ay ang mga tao at buong lungsod.

Dahil sa pagso-solo, ang kinalabasang ‘Republic of Manila’ ay nagtulak sa pagkakalugmok ng siyudad sa kabuuan at siyempre pa, damay diyan ang kalidad at antas ng pamumuhay ng mga residente nito.

Hindi malusog para sa pamahalaang lungsod ang pagso-solo at tapos na ang mga araw na ito. Mayroon na ngayon tayong coope­rative at participative na pamahalaang lungsod. Isang pamahalaan na nakikiisa at nakikisama, na handang gumamit ng lahat ng uri ng resources o tulong na maaaring gamitin, ke ito ay mula sa kaban ng lungsod o sa labas, basta’t makabubuti at makatutulong upang mabigyan ang lungsod at mga naninirahan dito ng isang magandang kinabukasan.

Sa ngayon, mayroong magandang relasyon, kooperasyon at ugnayan ang lungsod, gayundin suporta, mula sa mga pangunahing national government entity gaya ng Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr), bilang pagbanggit sa ilan sa kanila at ito ay talaga namang mara­ming mabuting idinulot sa Maynila.

Pinakikinabangan ng lungsod ang mga benepisyo ng mabuting relasyon na ito at alam ko na patuloy itong pakikinabangan ng mga taga-Maynila sa susunod na henerasyon.

Isang magandang halimbawa ang ugnayan ng lungsod sa DOH, sa pamamagitan ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni director Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, para sa pagpapanatili ng kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan mula sa tinatawag na depressed community, lalo na sa pagpigil ng pagpasok sa Maynila ng polio at coronavirus.

Lubhang mahalaga ang ugnayang ito lalo pa’t mismong World Health Organization (WHO) na mismo ang pumuri sa health authorities ng Pilipinas, sa pamumuno ng ating butihing DOH Secretary Francisco Duque III, dahil sa epektibo nitong paghawak sa mga kaso ng coronavirus sa bansa at pagpigil sa pagkalat nito sa bansa.

Nakalulungkot na tayo po ay napamanahan ng isang admi­nistrasyon na puno ng mga napakalalim na problema, kumbaga sa sakit, stage 4 cancer.

Ganoong kasama ang sitwasyon ng lungsod, sa totoo lang. Patunay dito ang inilabas na ulat ng DILG na nagsasabing pangalawa sa huli ang Maynila mula sa 17 lungsod at munisipalidad sa Metro. Dati ay panghuli pa nga.

Sa harap ng lahat ng ito, ating itinuturing ang nasabing ranggo bilang isang malaking hamon.

Wala kayong ideya kung gaano kadami at kasamu’t sari ang tinatanggap ng inyong lingkod na rendered opinion o ruling, memo­randum, non-compliance notices at kung ano-ano pa, na lahat ay nag-uugat sa maling sistema ng pamamahala ng ating pinalitang administrasyon.

Ito ay bukod pa sa kalunos-lunos na itsura ng halos buong lungsod na iniwang madungis, mabantot at magulo.

Naaawa ako sa mga taga-Maynila na kinailangang tiisin ang masamang ibinunga ng maling pamamahala ng nakalipas na administrasyon sa tinagurian pa namang capital city ng bansa.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ako at ang mga kasamang opisyal ay patuloy na nakakadiskubre ng mga bagong anomalya o maling sistema, mga butas sa sistema at iba pang kuwestiyonableng mga gawain at desisyon.

Unti-unti, ating itinatama ang mga pagkakamaling ito, tinatapalan natin ang mga butas at ibinabalik natin ang kaayusan sa lahat ng bagay. Ang trabahong ito ay nangangailangan ng pagkakaisa at koope­rasyon mula sa lahat ng taga-Maynila. Kung sama-sama, kaya natin ‘to!

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbi­sita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.