Nangibabaw si James Yap kay Paul Lee sa duwelo ng mga birthday boys sa MOA Arena Miyerkoles ng gabi.

Sa pinakamala­king trade noong 2016, binitawan ng Purefoods franchise si Yap, pinamigay sa Rain or Shine kapalit ni Lee.

Dalawang taon ang nakalipas, ibinaon ni Yap ang winner para ilig­tas ang Elasto Painters laban sa dating team 75-74. Kumapit ang Rain or Shine sa unahan ng PBA Philippine Cup stan­dings sa 7-1, nabaon sa 0-3 ang Magnolia Pambansang Manok.

Ipinagpag muna ni Lee si Gabe Norwood, iniwasan si Beau Belga bago binitawan ang jumper na nagbigay sa Hotshots ng 74-72 lead 6 seconds na lang.

Tumawag ng time si coach Caloy Garcia, dinisenyo ang last play para kay Yap.

“Technically if you see, the last plays that we’re running were all for James,” ani Garcia. “Alam ko naman James wants to win against Magnolia, so … win or lose, I want him to take the last shot.”

Parang ganun din sa ginawa ni Lee ang kinana ni Yap. Ipinagpag si Rafi Reavis, umangat para bitawan ang lean-in jumper sa harap ni Rome dela Rosa. Nakasungkit pa ng foul ang dating two-time MVP, ipinasok ang bonus na naging final tally nang kumabyos ang huling attempt ni Ian Sangalang sa kabila.

Hindi naman daw gigil si Yap na ibaon ang dating team.

“Hindi ko iniisip ‘yun kasi ‘pag iisipin mo ‘yun, nandun ‘yung gi­gil, nandun na lahat eh na gusto mong magpa­kita,” aniya paglabas ng dugout.

Inamin ni Yap na noong una ay masama ang loob niya sa team na inihatid niya sa grand slam noong 2014.

“Ngayon almost two years na (‘yung trade), kailangan ko na ring mag-relax. Kasi laging gigil ‘pag sila kalaban,” dagdag niya.

Sa 98-94 overtime win kontra Phoenix noong Linggo, 2 points lang si Yap mula 1 for 9 field goal shooting at 0 for 6 sa labas ng arc. Laban sa Hotshots, may game-high 18 points siya, 6 of 13 sa field.

Feb. 14 ang birthday ni Lee, 30 na siya kahapon. Nag-37th birthday naman si Yap ng Feb. 15.

Birthday wish ni Big Game James?
“Sana mag-champion kami sa Rain or Shine,” nakangiti niyang sabi.