Blangko pa kung sino ang ipupuwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte na bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Matatandaan na ni-reject ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakahirang kay Judy Taguiwalo bilang hepe ng DSWD.

“Wala pa rin. Wala pa rin hanggang ngayon (napipiling susunod na kalihim ng DSWD),” ani Duterte sa panayam ng media sa Pampanga kahapon.

Sa ngayon, batay sa pangulo ay wala pa rin siyang listahan ng mga puwedeng pagpilian na bagong pinuno ng DSWD.

“Wala pa rin kasi mahirap maghanap eh,” sabi ni Duterte.

Sa kabila nito, pinag-iisipan umano ni Duterte kung puwedeng bigyan ng ibang posisyon sa gobyerno si Taguiwalo na hindi na daraan pa sa Commission on Appointments (CA).