Wala sanang gulatan sa COVID-19

Habang mainit na pinag-uusapan ngayon ang prangkisa ng ABS-CBN at sapakan sa kasal nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, patuloy namang dumadami ang kaso ng coronavirus disease 2019 o CO­VID-19 sa labas ng China.

Matatapos na nga ang Pebrero o halos tatlong buwan mula nang pumutok ang outbreak ng virus sa Huwan City sa China, aba’y hindi pa rin mamatay-matay ang virus. Sa halip, parami pa rin nang parami ang namamatay sa virus. Sa China pa lang, mahigit 2,500 na ang nasawi.

Ang matindi nito, sa buong mundo, halos 80,000 na ang kaso ng naturang virus na wala pa ring nakikitang gamot. Ito ay kahit na nitong mga nagdaang mga linggo eh kaniya-kaniyang pabida ang iba’t ibang bansa na may tinetesting na silang gamot.

Kung marami rito sa atin sa Pilipinas ang na­ngangamba na baka hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN (na huwag naman sana) at baka hindi na makabati sina Sarah at Mommy Divine (na huwag din sana), aba’y nagpahayag naman ng pagkabahala ang World Health Organization sa biglang pagdami ng COVID-19 cases sa Iran, Italy at South Korea.

Kahit nga Japan eh dumami rin ang kaso ng naturang virus na nagmula sa mga sakay ng cruise ship na dumaong sa kanilang pantalan.

Pati ang 59 na kababayan natin na nagtatrabaho sa naturang barko eh nahawa. Nasa mahigit 400 na iba pang Pinoy na nasa barko na sinasabing “clear” sa virus ang inaasahang makakauwi na sa Pilipinas at ika-quarantine muna. Sana lang eh walang magpositbo sa kanila kapag nasa bansa na.

Pagdating sa mga ganitong sitwasyon, marami ang naniniwala na yakang-yaka ng Japan ang virus at kaagad nilang makokontrol para hindi kumalat. Pero sila man ay nakatatanggap ngayon ng puna dahil nga sa dumami ang sakay ng barko na tinamaan ng virus. Parang naging kuta raw ng virus ng barko dahil hinayaan lang doon ang mga sakay sa halip na inilipat ang mga tao sa isang mas secure na quarantine zone.

Ngayon, nasa 159 na ang kaso ng COVID-19 sa Japan, at tatlo nito eh nasa mataong lugar na Tokyo. Ang South Korea na isa pang inaakalang bansa na yakang-yaka ang virus, nasa highest alert na ang alarma dahil mahigit 600 na ang kaso.

Ang Italy na napakalayo sa China, nagkaroon na ng mahigit 600 na kaso ng COVID-19 at pito na ang nasawi. Ang layo ng Italy sa China ang isa mga dahilan kaya hindi dapat balewalain ang virus at sabihing kakaunti lang naman ang namamatay. Aba’y tumatagal ang virus, sinasabi ng mga ekperto na nagmu-mutate ito o nagbabago. Hihintayin pa ba nilang mas maging deadly?
Sa Singapore eh may 89 cases na at 70 naman sa Hong Kong. Uma­bot na rin ang virus sa Middle East tulad sa UAE (13 kaso), Kuwait (3), Bahrain (1) at Iran (61). Dahil “border” lang ang naghihiwalay sa mga bansang ito, talagang dapat mala-Jawo ang pagbabantay nila sa mga taong lalabas at papasok sa kanila-kanilang teritoryo para matiyak na hindi makapagpa-fastbreak sa kanila ng virus.

At dahil may Pinoy saan mang sulok ng mundo, dapat lang ma­bigyan ng iba­yong paalala ang mga kababayan natin na mag-ingat. Bagaman walang sinasabi ang Department of Health na nadadagdagan ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, huwag naman sanang isang araw eh magkakagulatan na lang na sunod-sunod ang sasabihing nagpopositibo ang mga under investigation na pasyente.

Sa ngayon, nasa 63 Pinoy daw na nasa iba’t ibang bansa ang nagkaroon ng COVID-19, na pinakamarami (59) ang nasa Japan na sakay ng cruise ship. May dalawa namang tinamaan sa UAE, at tig-isa sa Singapore at Hong Kong. Pero malay natin, baka naman mahusay talaga ang pag-handle ng DOH sa virus kaya walang nadadagdag na bagong kaso.

Hanggang ngayon, tatlo pa lang ang nagpopositibo sa Pilipinas, isa ang nasawi at gumaling na ang dalawa. Dito talagang kailangan natin ng mahusay na makapag-uutos ng ‘stop’ sa virus. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”