Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

Kasunod din ng pagkasuko ni Jomar ang pagdakip naman ng Task Force Kae kay Kelvin “Jorek” Evangelista habang sakay na ng bus patungo sa lalawigan ng Aurora.

Ikinaila niya na siya ang lider ng kanilang grupo na nagsasagawa ng panghoholdap at pagnanakaw at sa halip ay itinuro si Decimo na aniya ay siya ring pumaslang kay Kae.

Ang ika-anim na suspek na si Baser Minalang ay patuloy pa ring nakakalaya bagama’t tiniyak ng kapulisan at NBI na hindi sila tumitigil sa pag-TUGI­S sa suspek.

Noon ding Setyembre 24, 2013, isinampa na ng Metro Manila Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga kasong qualified carnapping at robbery with homicide laban sa anim na mga suspek na may kinalaman sa pagpatay kay Kae sa National Prosecution Office sa pamamagitan ni Atty. Omar Casimiro bilang inquest fiscal.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ng CIDG sina Samuel Lloren Decimo, Reggie “Jojo” Diel, Lloyd Benedict Enriquez, Kelvin “Jorek” Evangelista at Jomar Pepito na pawang nasa kostudiya na ng CIDG maliban kay Baser Minalang na tinu-TUGIS pa ng mga awtoridad.

Kasama sa paghahain ng kaukulang kaso ang tiyuhin ni Kae na si Vincent Davantes na tumatayong complainant sa naturang usapin bilang kinatawan ng pamilya lalu na’t kapuwa hindi matututukan ng mag-asawang Peddy at Beth ang pag-usad ng kaso.

Lumipad pabalik ng Saudi Arabia si Peddy noong Setyembre 25, 2013 habang ang asawa niyang si Beth ay hihintayin muna ang ika-40 araw ng pagkamatay ni Kae bago tumulak pabalik sa naturang bansa upang sumunod sa asawa.

Sa naging pahayag ng ama ni Kae, sinabi niya na hindi niya mapigilan ang pagluha dahil sa labis na lungkot sa pagkawala ng panganay na anak. Hindi na aniya maibabalik ang dati na kumpleto sila sa tuwing magkakaroon ng reu­nion at pagsasalo-salo ang pamilya.