Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

Last part

Sa naging p­ahayag ng ama ni Kae, sinabi niya na hindi niya mapigilan ang pagluha dahil sa labis na lungkot sa pagkawala ng panganay na anak. Hindi na aniya maibabalik ang dati na kumpleto sila sa tuwing magkakaroon ng reu-nion at pagsasalo-salo ang pamilya.

Hindi naman aniya siya nagkamali at kung nagkaroon man siya ng pagkukulang ay hindi niya batid kung saan lalu na’t hindi naman niya pinabayaan ang mga anak lalu na ang kanilang p­­ag-aaral. Dag-dag pa niya, nakatakda na sanang lumagay sa tahimik sa susunod na taon ang kanyang panganay na anak matapos sabihin sa kanila ang kasunduan nila ng kanyang nobyo.

Bilang pampalubag-loob ay kinakalma na lamang aniya niya ang sari-li at nagdarasal sa Panginoong Diyos na pagkalooban siya ng dalisay na puso upang makapagpatawad at maalis ang namumuong galit sa kanyang dibdib.

Hiniling din niya sa Poong Maykapal na maparusahan at pagbayaran ng mga salarin ang kanilang ginawang karumal-dumal na krimen.

Noong Nobyembre 12, 2014, binasahan ng sakdal sa sala ni Las Piñas City Regional Trial Court Judge Salvador Timbang ng Branch 253 ang mga akusado sa kasong Robbery with Homicide

Sa mga binasahan ng sakdal, tanging si Decimo lamang ang nag-plead ng “guilty plea” bagama’t mismong si Judge Timbang ang nagbaligtad nito sa “not guilty plea” matapos matuklasan na hindi boluntaryo ang paghahain niya ng guilty plea.

Ipinaliwanag ni State Prosecutor Mark Estepa na ipinasuri muna ng hukom kung boluntaryo ang paghahain ni Decimo ng pag-amin sa kaso at lumabas sa mga ginawang pagtatanong sa kanya ng abogado na hinimok lang siya ng NBI na aminin ang pagkakasala upang gumaan ang hatol laban sa kanya.

Nang tanungin ng abogado si Decimo kung aamin din ba siya sa kasalanan kung ang hatol pa rin ay habambuhay na pagkabilanggo, umiling siya at sinabing hindi niya alam kaya’t nagpasiya ang hukom na baligtarin sa not guilty plea ang pag-amin ng akusado sa kasalanan.

Sa panayam ng TUGIS sa tanggapan ng Clerk of Court ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) inihayag ng isa sa mga staff na patuloy pa rin ang paglilitis sa mga akusado habang nananatili pa rin silang naka-detine bunga ng kawalan ng kaukulang piyansang inilaan ng hukom para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.